Maricel hinihintay kung makakabangon

This time naman siguro, makakabawi na nang husto si Maricel Soriano, dahil may gagawin na siyang serye sa isang mas malakas na network. Matagal din namang nagpahinga si Maria. Nagkaroon nga siya ng isang pelikulang naging malaking hit pero ewan nga ba kung bakit hindi siya binigyan ng kredito sa kita ng pelikua. Ang maganda nga lang, kinilala naman ang mahusay niyang acting sa nasa­bing pelikula.

Isa sa mga pinaka-mahuhusay na aktres natin si Maricel. Nagkaroon nga lang nang kaunting mali sa diskarte ng kanyang career kaya parang natisod lang. Nahikayat kasi siyang gumawa ng proyekto sa ibang network na hindi naman nabigyan ng tamang suporta. Nang hindi mag-rate iyon, wala nang sumunod na proyekto. Noon siyempre siya ang sinisisi pero nang ang lahat ng iba pang mga malalaking artista ay ganoon din ang kinahinatnan ng proyekto, maliwanag na hindi pala si Maricel talaga ang naging problema.

Noon pa namin sinasabi na siguro nga ang kailangan lang ng Diamond Star ay isang magandang proyekto pero mahirap talagang maghanap ng bagong proyekto. Kailangan may mapatunayang muli si Maria, na kaya naman niyang gawin, kaso sino ang susuporta? Mabuti na lang at ngayon nga ay nailalagay sa tama ng kanyang personal manager na si Shirley Kuan ang kanyang career.

Ngayong may sisimulan siyang bagong serye sa Channel 7, at malalagay iyon sa primetime, ang kailangan lang siguro ay muli nilang mapakilos ang mga dating fan ni Maricel para suportahan iyon at mapatunayan ang kanyang lakas.

I’m sorry ni Sarah may ibang kapalit!

Inilabas na nila sa newscast ng Channel 7 mismo ang pagkakasundo ng GMA Films executive na si Atty. Annette Gozon-Abrogar at ng kanilang star na si Sarah Lahbati.

Hindi nila sinabi kung ano ang mga kondisyon ng pag-uurong ng kaso. Hindi naman yata kapani-paniwala na natapos iyon sa simpleng “I’m sorry” na lamang. Sinasabi ni Sarah na may gagawin siyang projects para sa Channel 7, meaning, kahit sinasabi niyang tapos na ang kanyang kontrata, extended iyon. Pero may sinasabi rin siyang proyektong gagawin niya sa ibang network, meaning, pinayagan na siya.

Sinasabi rin nilang happy ang kanyang boyfriend na si Richard Gutierrez sa nangyaring kasunduan. Ibig sabihin ay maaari nang i-consider ni Richard at ng Channel 7 ang magkasama silang muli.

TV host ng isang network bagsak na bagsak ang kredibilidad sa isinagawang survey

Natatakot daw ang isang TV network dahil lumalabas sa isang pribadong survey na kanilang ipinagawa, at natural itinatago ngayon sa publiko, na talagang bagsak na ang kredibilidad ng isa nilang TV host. Lumalabas na bumaba na rin ang kredibilidad ng kanilang newscasts.

Aba, kailangang kumilos sila dahil sa bagay na iyan sila mahina talaga. Kung pababayaan nila iyang gumulong, ano ba ang mangyayari sa kanila?

Show comments