Menor de edad na actor, nahulihan ng droga sa music fest!

Pinag-uusapan ang isang “young actor” na na­hulihan daw ng droga sa 7107 International Music Festival. Talagang nangyayari iyon sa mga rock concert. Naglalasing at may nagdodroga.

 

Nanay ng anak ni Mark ayaw tantanan

Sinasabi ko na nga ba eh, hindi nila titigilan hanggang sa lumabas ang nanay ng anak ni Mark Herras matapos niyang aminin sa Startalk. Naglabasan na sa Internet ang mga picture ng nanay ng bata, pati na iyong kanilang mga picture noong magpunta ang kanilang grupo sa Dubai para sa promo yata iyon ng kanilang Pinoy TV.

Ang sinasabi pala nilang nanay ng anak ni Mark ay si Diane Evangelista, na isa sa mga handler ng GMA Artists Center. Pero kung titingnan mo sa Internet, sinasabing hindi naman siya ang direktang nagha-handle kay Mark, o baka naman hindi updated ang kanilang records. Inamin ng dancer-actor na mas matanda si Diane sa kanya ng limang taon pero may hitsura naman pala ang babae.

Pero ang nakakatawa pa, nakuha pa ng GMA News ang reaksiyon ng ex girlfriend ni Mark na si Ynna Asistio, na umaming nalaman lamang niya ang katotohanan na may anak na nga si Mark noon lamang nakaraang Valentines Day. Meaning, nalaman niya lang noong tatlong buwan na ang bata. Nag-split din sila ni Mark six months ago, matapos ang kanilang limang taong relasyon ay nabuntis na nga ng aktor si Diane.

Ang sabi pa ni Ynna, nasaktan siya nang malaman niya ang lahat ng iyon pero “Bahala na ang Diyos sa kanila.”

Ang ipinagtataka namin, bakit hindi naibalita ng GMA News na ang nanay pala ng bata ay empleyado rin nila, si Diane Evangelista nga ng GMA Artists Center? Hindi ba mas maganda sana kung naipakilala nila nang maayos si Diane, na siya ang ina ng anak ni Mark Herras? Sana nasabi nila na isang disenteng babae at okay naman si Diane na hindi naman dapat itinatago kung siya man ang nanay ng anak ni Mark.

Mas maganda kung ilalabas na nila nang mas tama si Diane at nang hindi sira-siraan lang.

 

Pelikula noon mas may istorya kumpara ngayon

Napanood namin sa telebisyon, doon sa Cinema One, ang pelikula nina Richard Gomez at Snooky na Blusang Itim. Naging malaking hit iyon at doon kinilala bilang tunay na stars sina Goma at Snooky noong araw pero, honestly, hindi namin napa­no­od iyon sa mga sinehan noon. Ang director ay si Maning Borlaza.

Hindi iyon masasabing malaking pelikula, o masasabing technically outstanding, pero naikuwento nang mahusay ni Maning ang istorya. Iyon ang ikinaganda ng pelikula.

Pagkatapos ng Blusang Itim, inilabas naman sa Cine­ma One ang pelikula nina Priscilla Almeda at Leandro Baldemor. Hindi na namin nakita ang title. Isa iyong quickie movie noong araw. Puro pa-sexy. Pero sa totoo lang, kung ikukumpara iyon sa maraming pelikulang ipinapalabas ngayon, mas maganda ’yung ’di hamak. Kasi kahit na paano ay may kuwento.

Magtataka pa ba kayo kung bakit mas maraming pelikulang kumikita noon kaysa ngayon?

Show comments