Nabigo kaming makita ang misis ni Ka Freddie Aguilar dahil nang dumating ang grupo sa kanilang North Fairview residence, iniwan na lang doon ang envelop for the Philippine Movie Press Club (PMPC) caroling.
Baka hindi pa handa ang mga Aguilar na humarap sa press.
Mahusay naman ang pag-entertain sa amin ni Diego Castro and his pretty wife, sa kanilang restaurant na Sukimoto, along Commonwealth Avenue, na tapat lang ng Ateneo.
Masaya ang mag-asawa na naghanda ng lunch para sa mga PMPC caroler. Kung magagawi kayo doon subukan ang masasarap na putahe sa Sukimoto at very affordable pa ang presyo.
Medyo nalungkot si Diego nang kantahin ng grupo ang If We Hold on Together. Sabi niya, kinakanta sa kanya ng yumaong inang si June Keithley ang awiting ’yon.
Bigla niyang naalala si June at ang kanyang amang si Angelo Castro. Ulilang lubos si Diego kaya’t silang pamilya na lang (with four children) ang magdiriwang ng Kapaskuhan.
Direk Joyce nagawa lahat sa Amsterdam
Tipong seryoso si Director Joyce Bernal nang makiusap: ‘‘Sana una ninyong panoorin ang 10,000 Hours. Manood agad kayo sa Dec. 25 para hindi kami matanggal sa Dec. 26.’’
With all the ingredients of a blockbuster, mukhang duda pa sa appeal at the tills ang 10,000 Hours ni Bb. Bernal. Pareho rin ang pakiusap nina Robin Padilla at mga producer na sina Boy2 Quizon at Neil Arce.
Agad inamin ng lady director na base sa ilang karanasan ni Sen. Panfilo Lacson ang kanilang official entry to the 39th Metro Manila Film Festival. Katumbas ng isang taon at apat na buwan ang 10,000 na siyang itinagal ng ‘‘pagtatago’’ sa abroad ng dating senador.
‘‘Umalis siya sa bansa hindi upang takasan ang bintang na kasalanan. Nag-abroad siya upang hanapin ang mga taong makapagpapatunay na walang sala ang senador,’’ sabi ni Direk.
Si Robin Padilla naman, panay ang biro na fiction ang istorya ng kanilang pelikula. Baka ang ibang nasa presscon maghinala tuloy na kathang-isip lang ang mga pagbabagong puri ni Sen. Lacson.
Ang pangalan kasi ni Binoe sa 10,000 Hours ay Sen. Gaspar Alcazar. Meron siyang apat na anak pero pawang walang asawa noong mangyari ang istorya. Kaya hindi natin mahihintay kung sino ang pumapel na Jodi Sta. Maria.
Natutuwang nagkuwento si Binoe na for the first time na nag-shooting siya sa abroad (Amsterdam) ay may kumpletong papeles pati na permit para mag-shooting doon.
‘‘Nagawa namin ang lahat ng dapat kunan sa Amsterdam,’’ nakangiting kuwento ng action superstar. ‘‘Walang sumisita sa amin. Kami pa ang nagbabawal na mag-ingay ang mga tao dahil nagsyu-shooting kami.’’
First time nagdirek ng action movie si Joyce Bernal at nag-enjoy siya sa kakaibang karanasan.
Fil-Am composer ng theme song sa Frozen nominado sa Golden Globe
Kasali sa mga finalist ng Best Original Song in a Motion Picture ang kanta ng Fil/Am composer na si Robert Lopez at kanyang American wife na si Kristen Anderson-Lopez, ang Let It Go, para sa Disney animation na Frozen, ng Golden Globe Awards.
Masayang-masaya ang mag-asawa, na hindi inaasahang makakuha sila ng nomination sa Golden Globe. Dati, nanonood lang sila ng nasabing awards sa TV. Ngayon, dadalo sila sa awards ceremony early next year at kasali pa sa mga nominee!