Gwen Zamora madugo ang naging karanasan sa ‘asawa!’

MANILA, Philippines - Ngayong Sabado (Nobyembre 9), tunghayan ang kuwento ni Esmeralda “Essie” Flores na nalagay sa bingit ng kamatayan matapos makaranas ng pang-aabuso mula sa kanyang asawa sa human drama program ng GMA Network, ang Bingit.

Ang malungkot at madugong karahasan sa tahanan ni Essie ay isasabuhay ni Gwen Zamora kasama si Jace Flores.

Si Essie ay isang asawa at inang tahimik na tinatanggap ang pananakit ng kanyang asawang si Jerome. Sampal, tadyak at suntok ang kapalit na anumang gawin ni Essie na sa palagay ng asawa ay isang pagkakamali.

Nang mamatay ang ina ni Jerome, lalo itong nasadlak sa depresyon at pati ang panganay nila ni Essie ay nasaktan niya. Sa sumunod na araw, si Essie muli ang pinagbalingan ni Jerome ng kanyang mabigat na kamay, pero nanlaban si Essie kaya tinutukan siya ng baril ni Jerome!

May laban pa ba si Essie mula sa karahasan ng kanyang asawa? Masasangkot ba ang mga anak nila sa away mag-asawang muntik nang kumitil sa buhay ni Essie?

Mapapanood ang episode na Karahasan sa Tahanan ngayong Sabado pagkatapos ng Startalk, 4:00 PM sa GMA.

Show comments