Baho nina Gretchen at Claudine mas nabulatlat dahil sa nakulong na katulong

Pati ang abogado ng kanyang dating kasamba­hay na ipinakulong niya, si Atty. Alma Mallonga, ay nag-react na sa sinabi na namang bago ni Claudine Barretto na naniniwala siyang ang kapatid niyang si Gretchen ang siyang nasa likod ng pagsa­sam­pa noon ng demanda laban sa kanya. Ang dati niyang kasambahay, na kinilalang si Dessa Patilan, ay limang buwan nang nakakulong dahil sa bintang ni Claudine na nagnakaw siya ng mga alahas at pera na umaabot sa walo’t kalahating milyong piso.

Pero kamakailan, bumaliktad ang sitwasyon nang mismong si Patilan naman, sa pamama­gitan ng kanyang abugadong si Mallonga, ay nagharap ng kasong qualified theft laban kay Claudine na inakusahan niyang kumuha ng kanyang tablet, SIM card, at perang nagkakahalaga ng sampung libong piso na kanyang nai­pon sa panahon ng pamama­sukan niya bilang alalay ng aktres.

Nang sagutin ni Claudine ang demanda, sinabi niyang naniniwala siyang ang kapatid niyang si Gret­chen ang may kagagawan noon na sinabihan din niyang “nababaliw” na yata.

Sinabi ni Mallonga natawag nga ang kanyang attention nang ikuwento ni Gretchen sa kanya ang kalagayan ni Patilan, pero sinabi niyang nakausap niya mismo ang bata, at naawa siya dahil nakakulong iyon, walang pera, walang matakbuhan, walang abogadong nag-asikaso ng kaso, at naniwala siyang hindi naman dapat makulong iyon. May mga karapatan iyong magsampa ng kontra demanda dahil sa ginawa sa kanya ni Claudine.

Sinabi rin ni Mallonga na ang kanyang kliyente ay si Patilan at walang kinalaman si Gretchen sa kaso. Idinagdag pa niyang hindi dapat pagdudahan ng abogado ni Claudine na si Ferdinand Topacio ang pagbibigay nila ng serbisyong pro bono kay Patilan dahil mahirap talaga iyon. Kaya nga nagtanong pa siya, bakit si Claudine na hindi naman mahirap ay tinulungan ni Topacio ng “pro bono” o walang bayad?

Lalaki pa ang gulong iyan sa palagay namin. Si Gret­chen ay pagsasabihan mo ng nababaliw at pagbi­bintangan mong may kinalaman pa sa kaso? Palagay namin dahil diyan ay mas maraming baho pa ang lalabas sa publiko.

Megan sinalubong ng dagundong kahit binabagyo

Cut short ang naging motorcade ng Miss World 2013 na si Megan Young dahil sa malakas na ulan noong Biyernes pero kahit na ang malakas na buhos ng ulan ay hindi nakapigil sa pagdagsa ng maraming tao para makita siya sa motorcade. Tao ang sinabi naming dumag­sa ha?

Nagtuloy siya sa isang mall sa Pasay City na may itinayo pang stage para siya makapagsalita at tuloy ay makunan siya ng pictures. Aba, eh hindi na natapos ang liwanag dahil halos walang patlang ang flashes ng mga camera ng mga taong naroroon. Dumadagundong din ang kanilang palakpakan at hiyawan.

Iba talaga ang naging dating ni Megan sa kanyang pagbabalik.

Singer natunugan ang malaswang plano ng talent manager, biglang naghanap ng ibang hahawak sa kanya

Pilit na pinapupuntang mag-isa ng isang bading na talent manager ang isang poging singer sa kanyang condo unit dahil pag-uusapan daw nila kung paano dapat patakbuhin ang career ng mang-aawit.

Ayaw naman ng poging singer dahil gusto niya sa isang mas neutral place. Halimbawa sa isang restaurant na lang sila. Ayaw naman ng manager pero payag iyon na mag-iinuman na lang sila sa isang bar.

Nabuo sa isipan ng singer na may ibang hangad sa kanya ang kanyang kinuhang manager. Kaya ang ginawa niya ay umalis na lang siya at kumuha ng ibang manager bago pa siya ipitin ng bading na manager at piliting may gawin sa kanya.

 

Show comments