Singer magaan ang kamay sa driver!

Malaki ang suweldo ng driver sa kanyang among singer kaya nagtagal ito ng dalawang taon. Pero dahil sa pananakit sa kanya kapag may nagawang kasalanan, magaan ang kamay ng amo at nababatukan siya, kaya umalis sa poder.

Minsan ay nagpasundo ito sa airport dahil galing sa isang concert sa Kabisayaan. Nagpahatid pa sa eskuwela ang anak nito kaya nahuli ng dating ang driver sa domestic airport.

Imbiyernang-imbiyerna ang male singer kaya nabatukan ang tsuper nang pumasok na sa sasakyan. Hindi man lang tinanong kung bakit siya nahuli ng dating.

Hindi na nakatiis ang pobreng driver at nagpaalam na lang sa among singer, kahit malaki ang suweldo, at nagkasya na lang sa pagiging taxi driver.

Uge kaedad ni Billy ang tipo

Hanggang ngayon ay zero pa rin ang love life ni Eugene Domingo sa kabila ng pagiging ma­tagumpay sa career. Naniniwala kasi ang aktres na hindi puwedeng pagsabayin ang career at pag-ibig. Mahalaga ngayon ang karera nito kaysa pag-ibig.

Sakaling papipiliin siya ng lalaking gusto niya, ang mas type niya ay ang mas bata raw kaysa kanya.

Sabi ng komedyana, “Gusto ko ’yung kaedad ni Billy (Crawford).”

Palabas na ngayon ang Momzillas na dream come true kay Uge na makasama sa pelikula si Maricel Soriano.

Thea ibebenta na ang condo na napanalunan

Hindi pala tinitirhan ni Thea Tolentino ang condo na napanalunan sa Protégé. Gusto niyang ibenta na lang ito at bumili ng bahay na kanyang titirahan kasama ang pamilya.

Lahat ng hirap na pinagdaanan nila ay nalusutan na dahil sa magandang career ni Thea ngayon sa GMA. Bida na siya sa Pyra, Babaeng Apoy.

Magaan katrabaho ang kanyang partner na si Jeric Gonzales at pumasok na rin sa istorya si Janno Gibbs na gustong sumali sa choir ni Thea. Malaking hadlang si Cindy (Elle Ramirez) na gusto ring mapabilang.

Show comments