Sinehan na nagpalabas ng indie film ni Vilma, punung-puno

Dalawang pelikula ang magkasunod naming pi­­nanood sa Trinoma, Quezon City na parehong en­tries sa ginaganap na Cinemalaya Independent Film Festival. Ang una ay ang Ekstra na ang bida ay si Governor Vilma Santos dahil sa napakara­ming magagandang reviews na aming nabasa at na­pa­­nood sa telebisyon tungkol doon. Ang isa naman ay ang Amor y Muerte dahil gusto naman naming ma­kita ang ginawa ng aming matagal na ring kaibigan at kasama sa panulat na si Ces Evangelista.

Noong pasukin namin ang sinehan para sa Eks­tra, nagulat kami dahil iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita kami ng isang indie film na puno ang sinehan. Narinig pa nga namin ang isang tauhan ng sinehan na nagsabing “ngayon lang tayo napuno ah.” Meaning, ang mga naunang ipinalabas ay hindi rin pinasok ng mga tao.

Simple lang naman ang dahilan, kahit na ang Eks­tra ay isang indie film, sa tingin nila ay mukhang mainstream movie pa nga rin dahil kay Vilma. At saka in fairness naman sa actress-politician, mas mataas ang kalidad ng ginawa niya kaysa sa ibang indie movie na napanood namin. Sa Ekstra, ang pagkakagawa ay parang isang mainstream movie na.

Maganda ang performance ni Ate Vi bilang isang ekstra. Naipakita talaga nila kung ano ang hirap ng trabaho ng mga itinuturing na pina­ka­ma­liliit na manggagawa sa industriya. Doon nga sa likod namin may nag-comment pa ng “totoo ’yan” sa isang eksena. Siguro ay naranasan na rin niyang maging extra.

Hindi lamang ang pagiging extra ang ipinakita, pati na ang pagsakal sa budget ng pelikula o teleserye. Nasa script na ang sasakyan ng bidang lalaki sa ginagawang teleserye ay isang kabayo pero dahil sa mahal daw ay pinasakay na lang siya sa tricycle.

Pero ang higit na nakatawag ng aming pansin ay ang role ni Ate Vi, hindi bilang extra kundi bilang isang nanay na gagawin ang lahat para sa kanyang anak. Okay lang na mahirapan siya sa trabaho, mapaso pa ng sigarilyo, basta kumita lang ng pera para sa kanyang anak. Gano’n ang mga nanay na Pilipino. Iyon ang magandang family values na nakita namin sa pelikulang iyon.

Markki NApaarte sa Amor…

Sa Amor y Muerte naman, nagulat kami, mahusay palang artista si Markki Stroem. Palagay namin ay sinuwerte pa nga si Ces Evangelista na si Markki ang nakuha niya para sa role na iyon kaysa sa nauna niyang balak. Mahusay ang kanyang acting lalo na doon sa eksenang natuklasan niya ang pagtataksil ng kanyang asawa, pinatay niya ang tiyahin noon at papatayin din sana ang asawa niya pero naunahan siyang barilin.

May ilang bagay lang na hindi namin nagustuhan. Parang lumalabas na sobrang hilig ng mga babaeng Tagalog sa sex at iyon ang kanyang hinahanap. ’Tapos may bahagi pa ng istor­ya na sinabi ng pari sa opisyal na military ang ikinumpisal sa kanya ng kalaguyo ng asawa.

Una, hindi iyon ang image ng mga babaeng Pilipina. Ika­lawa, anuman ang mangyari, alam ng isang pari na hindi niya maaaring sabihin kahit kanino ang sinabi sa kanya sa sakramento ng pangungumpisal. Sapagka’t alam niya na ang kahit na sinong pari na magbubunyag ng kanyang narinig sa kum­pisal ay automatic excommunication ang mangyayari. Titiwalag na sila sa simbahang Katoliko.

 

Show comments