Walang kaabug-abog na sumulpot uli si Keanu Reeves. Walang promo at plugging man lang ang Man of Tai Chi kaya walang masyadong nakakaalam na nandun pala siya. At direktor pa!
Kung bakit naisipan ni Keanu na gumawa ng American-Chinese action film na tungkol sa tai chi (na mas kilala sa Pilipinas bilang exercise ng matatanda kesa martial arts) ay siya lang ang makakasagot. Pinili rin niyang Chinese actors ang makasama sa Man of Tai Chi kesa Hollywood stars (siyempre makakatipid sa budget). Pero ang info nila sa Internet ay naging kaibigan ni Keanu ang stuntman na si Tiger Chen. Bumilib siguro siya sa kakayahan ni Tiger kaya ginawa niyang bida sa kauna-unahan niyang idinirek na pelikula.
Hindi masasabing magandang-maganda ang Man of Tai Chi pero hindi naman ito pangit para sabihing sayang lang ang oras at bayad. May maayos din naman kasi itong kuwento at maraming camera tricks sa mga karate, ay tai chi pala, na nakaalis ng pagkainip. Busog ito sa maraming malulupit na sapakan.
Ang bida ay bata pa, hindi kaguwapuhan, at manipis ang katawan – ang huling tai chi student na si Tiger Chen Linhu. Magaling siyang estudyante sa Beijing, China pero pinasok ang underground fight club na pag-aari ni Donaka Mark (Keanu). Si Donaka ang malaking kontrabida sa pelikula.
Maniniwala ba kayo na mas magaling na direktor dito si Keanu kesa aktor? Kondisyon na kondisyon pa rin ang katawan ni Keanu at pogi pa rin pero nakakailang sa screen ang Matrix fashion niya.
Kung hindi man magtuluy-tuloy ang pagiging bida na ni Tiger Chen, pasalamat na rin siya sa pagusugal sa kanya ni Keanu dahil binigyan siya agad ng star value kasama pa ni Karen Wok, gumanap na Hong Kong police investigator. Sikat na Hong Kong action star at singer ang multi-cultural na si Karen at may ilang pelikula na rin niya ang ipinalabas sa Pilipinas.
Pacific Rim pinagsawaan na sa mga sinehan
Kumokonti na lang ang sinehan na nagpapalabas ng Pacific Rim dahil ilang linggo na rin ang itinagal nito kumpara nung unang linggo na halos okupado lahat ng sinehan sa bawat mall. Pagkatapos lumabas ng cinema ay iisa lang halos ang obserbasyon ng movieÂgoers, parang nag-throwback sa panahon ng mga Japanese robot na Mazinger Z, Voltes V, at Voltron at ng higanteng monster na si Godzilla.
Nakaka-enjoy naman ang fight scenes ng mga higanteng robot sa Pacific Rim at sa mga kalabang sea monsters. Ginawa ang mga robot na Jaeger na pinapatakbo ng dalawang tao para ipanglaban sa mga higante ring sea alien na nagmula sa Pacific Ocean na tinatawag naman nilang Kaiju. Ito na ang mga kalaban ng tao sa pelikula, ang giyera sa mga halimaw na lumalabas mula sa ilalim ng dagat.
Loveable ang mga bidang Jaeger soldier na sina Raleigh (Charlie Hunnam) at Miko (Rinko Kikochi) at nagpaka-GP (General Patronage) naman ang drama ng dalawa dahil hanggang sa dulo ng pelikula ay wala kahit konting tsup-tsup at mwah-mwah na nakita. Hindi naman siguro issue sa pelikula ang cultural differences, ’no?
Sa kabuuan, higante na ring maituturing ang pelikula ni Guillermo del Toro, director at writer, dahil naibuhos nila ang malaking gastos sa computer graphics/special effects at maraming fight scenes na parang kasali ang manonood sa gitna ng bakbakan sa big screen. Kulang lang sa location at big stars ang Pacific Rim pero okay na rin.
Kapag nakakapanood tayo ng sci-fi films na napakalaki ng investment sa mga paepek nila ay nakaka-pangliit namang isipin na kahit siguro sampung taon mula ngayon ay hindi pa rin makakagawa ang Pilipinas ng sariling sci-fi film, na buhay na buhay ang mga karakter. Sa istorya lang tayo makakalaban. Hindi pa tayo makakasabay sa Hollywood at Japanese technology.
May ipare-rebyu?
E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com