Indie actress na si Althea Vega may sariling pelikula na

Nakakatuwa ang effort ni Althea Vega na mai-market ang sarili. Wala kasi siyang kiyeme na makipagtsikahan nung nilapitan siya ng ilang fans sa Juana C. The Movie premiere night na ginanap kamakailan. Medyo nakikilala na kasi siya bilang rising indie film actress.

Pero sa Juana C. ay cameo role lang si Althea.  Siya ’yung babae na naligo sa ilog na may kemikal pala. Ganun man ay kabilang pa rin siya sa red-carpet event ng buong cast at magiliw na dumikit sa major stars lalo na sa photo session.

Dahil maliit lang ang exposure ni Althea sa pelikula ni Juana Change/Mae Paner, ang ibinida na lang niya ay ang isa niyang malaking film project.

“Abangan n’yo po ’yung Amor y Muerte sa Cinemalaya. Sana panoorin n’yo,” paanyaya ng sexy actress.

Sa nasabing pelikula ay siya na talaga ang bida. Maiintindihan nga kung bakit kailangang umpisahan na niyang mag-imbita o mag-promote ng sariling sikap dahil sa isang buwan na ang pinakamalaking indie filmfest ng bansa. Sa kanya lang nakasalalay ang pelikula. Hindi katulad nung isang taon na supporting roles lang siya sa dalawang Cinemalaya entries.

Maayos kausap si Althea at mukha siyang 18 o 19 years old lang sa malapitan pero walang pagtangging sinabi niya na 25 anyos na siya. Sa kanyang unti-unting pag-usad sa mundo ng pelikula, tatabi na kaya si Mercedes Cabral?

Kailangan ngang mapanood ang Amor y Muerte o Love and Death para maikumpara ang acting ng dalawang kayumangging sexy indie film stars.

John James Uy hindi pa gaanong napapansin

Isa pa sa natuklasan naming magalang at malambing kausap ay si John James Uy. Siya naman ang leading man ni Juana Change bilang si Yani sa kanilang sex-comedy film na palabas pa rin sa mga sinehan.

Naging instant fan at crush na ng kaibigan ko si John James sa sandaling nakatsikahan at naka-piktyuran niya ang poging hunk na may American accent.

Nung tinawag siya sa kanyang pangalan ay napa-”po?” ito sa pagsagot kaya napabilib naman ang aking kasama sa magandang ugaling Pinoy ni John James.

Sayang at kokonti lang ang nakapanood ng Rigodon kung saan leading man naman siya ni Yam Concepcion kaya ’di pa umiingay ang kanyang pangalan. Sa Juana C. The Movie ay mas nailapit na siya sa malaking audience kaya posibleng tatatak na ang John James Uy sa listahan ng sexy actors at hindi lang sa modeling circuit.

Risa Hontiveros matiyagang mag-Lupang Hinirang kahit nasa loob ng sinehan

Aminin, wala pa yata sa limang daliri ang matapat na kumakanta ng Lupang Hinirang sa loob ng sinehan ’di ba? Puwedeng sa flag ceremony sa eskuwelahan o sa opisina pero hindi sa sinehan. Baka ni hindi nga natin mailapat ang kanang kamay sa kaliwang dibdib eh.

Kaya nakakabilib si Risa Hontiveros sa pagsabay niya sa kanta sa ating pambansang awit sa ginawang espesyal na music video ng Juana Change production bago nag-umpisa ang premiere ng pelikula.

Nasa harapan ko siya at natandaan ko ang suot niyang violet na damit dahil nakisalamuha siya sa pica-pica na buffet bago ang screening.

Hindi naman siguro pilit o pakita lang ang pagkanta (hindi naman gaanong malakas) ni Ms. Hontiveros ng Lupang Hinirang dahil hindi naman siya nanalong senador. Pinatunayan lang siguro niya na tapat ang kanyang pagiging makabayan.

Magandang ehemplo siya kung gayon lalo na at magdiriwang na tayo ng Araw ng Kalayaan sa June 12.

May ipare-rebyu? E-mail:kibitzer.na.nicher@gmail.com

 

Show comments