Biglang lumayas sa show, panay ang emote pagbalik! Vice Ganda tinamaan ng matinding depresyon

Pagkatapos ng isang linggong pagkawala, sumipot na si Vice Ganda kahapon sa It’s Showtime at humingi ng dispensa sa manonood pati na sa buong ABS-CBN management sa biglaan niyang pagkawala nang walang paalam.

“Gusto ko lang hingin ang pagkakataon na ito na mag-apologize sa madlang people. Ipagpaumanhin n’yo po na matagal ako nawala. Gusto ko rin hu­mingi ng paumanhin kay Ma’am Charo (Concio), kay Tita Cory (Vidanes), kay Sir Deo (Endrinal), kay Direk Bobet (Vidanes), kay Boss Gabby (Lopez), kay Sir Riley, sa GGV family ko dahil ako’y nawala nang walang paalam,” simula ni Vice.

Ayon sa komedyante ay nagkaroon daw siya ng depresyon.

“These past few weeks, nilamon ako ng depression na hindi ko ho maintindihan. So natulog ako. Paggising ko malungkot pa rin ako kaya hindi ako nakapasok sa It’s Showtime. Inisip ko, bakit ba ako nalulungkot? Iyak lang ako nang iyak,” kwento niya.

Dito raw niya naisip ang sariling pamilya.

“Tumitingin ako sa paligid ko, lahat nagco-congratulate sa akin kasi sobrang successful ko, pero bakit hindi ako masaya? Bakit ang lungkot-lungkot ko ilang linggo na? Tapos tiningnan ko ang paligid ko tapos na-realize ko, wala pala akong kasamang pamilya. Sabi ko nasaan na ‘yung nanay ko, ‘yung lolo ko, ‘yung mga kapatid ko? Sa sobrang tutok ko pala sa trabaho ko, kung paano ako magiging successful, kung paano ako magiging magaling, mayroon pala akong pamilyang napabayaan na hindi ko napansin wala na sa tabi ko,” emosyonal na sabi ni Vice.

That day na hindi siya nakasipot sa It’s Showtime ay nagpunta raw siya sa La Union para sunduin ang lolo niya na dalawang buwan nang naghihintay sa kanya.

“Hindi ako nagpaalam sa ABS, bigla na lang akong nawala kasi naramdaman ko nung oras na   i­yon kailangan kong gumawa ng paraan para ma­ku­ha ko ulit ang pamilya ko. Dumiretso ako ng La Union, sinundo ko ang lolo ko. ‘Yung lolo ko na pina­ngakuan ko na sabi ko after ng birthday production number ko sa Showtime susunduin ko siya. March 31 iyon. Anong date na? May 18 na nung na-realize ko na hindi ko pala nagawa ‘yung pinangako ko sa lolo ko,” patuloy ni Vice.

Nakakaiyak ang kuwento ng ko­medyante sa kanyang lolo na nagpapitas pa ng mangga sa pag-aakalang darating siya noong Marso.

“Iyak lang siya nang iyak, naka­ya­kap siya sa akin. Sabi ng tiyahin ko ‘Alam mo ba, nung sinabi mo sa Showtime na susunduin mo siya after ng birthday mo, nagpapitas siya ng mga manggang hilaw.’ Kasi iyon daw ang pasalubong niya sa akin. Nahinog ang manggang hilaw, nabulok, ipinatapon niya. Sabi niya ipitas daw ulit kasi dadating na si Totoy.’ Pumitas sila ulit tapos nahinog ulit, nabulok ulit, pinatapon niya ulit. Sabi ng tiyahin ko ‘Pipitas pa ba natin ulit?’ Sabi daw ng lolo ko “hindi na” kasi tinanggap na  niya sa sarili niya na hindi na ako susunduin ni Totoy.”

Matagal na raw gusto ng lolo niya na makarating sa Boracay kaya kinabukasan ay nagpa-book daw siya at dinala niya ito roon.

“Kaya bakit ho ako nawala? I missed Showtime, the madlang people but I cannot miss the chance para mapuntahan ko ulit ang pamilya ko.

“Sorry kung napabayaan ko ang trabaho ko pero gusto ko rin namang huwag mapabayaan ang pamilya ko kasi nagtatrabaho ako nang husto kahit hindi ako makatulog kasi gusto ko mabig­yan ng magandang buhay ang pamilya ko, hindi ng magandang libing,” aniya.

Ngayon ay masaya na raw siya ulit at feeling niya ay kumpleto na siya.

“Ngayon ang saya-saya ko na ulit kasi kasama ko na ulit ang pamilya ko. Ngayon I can really say I am successful. Kaya excited akong pumasok sa Showtime kasi feeling ko mas magaling ako ngayon, mas buo na ang puso ko, mas totoo na yung pagpapasaya ko,” he said.

Show comments