MANILA, Philippines - Sa Marinduque, may isang bata na may kakaibang sakit sa balat na wala na raw lunas. Ang labing-isang taong gulang na si Joyce ay mayroong epidermolysis bullosa. Siya ay nagbabalat, nagpapaltos, at nagsusugat. Madalas naihahambing ang kondisyong ito sa pakpak ng mga paru-paru dahil sa selan nito.
Mula nang lumala ito, tumigil na siya sa pag-aaral dahil sa pangungutya ng iba at nahihirapan na rin siya sa kanyang kalagayan. Anong kinabukasan ba ang naghihintay sa batang si Joyce gayung dala-dala na niya ang kondisyon na ito hanggang sa kanyang paglaki?
Samantala, balikan naman ang kambal na sina Jennifer at Jennilyn sa Baguio na ipinalabas sa Wish Ko Lang! noong 2006. Doo’y naipakita ang pagsusumikap ng kanilang ina na nangangalakal para mairaos ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Natunghayan din ang pagtitiis ng magkapatid sa ilaw ng poste para makagawa lang ng kanilang assignment.
Makalipas ang pitong taon, muling kakamustahin ng Wish Ko Lang! ang mag-iina at dito’y malalamang marami na ang nabago mula noong huli silang makita.
Ang kambal ay nakapagtapos na sa kursong nurÂ;sing at bilang estudyante, magagandang marka ang nakuha nila. Patunay na binigyang halaga nila ang scholarship na natanggap nila noon. Kaya naman ngayon ay makikitaan na sila ng ngiti sa mukha sa pag-asang ang pinapangarap na tagumpay ay mas madali na nilang makakamit.
Huwag palalampasin ang Wish Ko Lang! ngayong Sabado, Mayo 25, sa GMA 7.