Hindi lang pala ang magkapatid na sina Phil at James Younghusband ang fans ni Vin Diesel kundi gayundin si Angel Locsin. Noong Miyerkules sa red carpet premiere ng Fast & Furious 6 ay may dalang toy car si Phil para pirmahan ni Vin na ireregalo niya sa girlfriend.
Kaso sa rami ng tao sa Centerstage cinema ng SM Mall of Asia ay hindi man lang siya nakalapit sa Hollywood actor kaya kinabukasan ay matiyaga siyang naghintay na naman sa Fairmont Hotel sa Makati City kung saan ginaganap ang presscon.
Dumating ito ng alas-dos ng hapon noong Huwebes kasama si James at dun muna namin siya pinaghintay sa ballroom. Napakahigpit ng security at coordinator ng event at malas naman dahil ang sponsor ng kotse ng Fast & Furious 6 ay Dodge at ang tatak ng toy car na pinapipirmahan ni Phil ay iba. Walang pagkakataon na mapirmahan ito kaya naghintay sila hanggang alas-sais ng gabi pero wala pa ring nangyari dahil after ng press interview ay dumiretso na ang aktor sa Glorietta para sa meet and greet activity para sa fans.
Tiyak na nalulungkot ang bida ng Fast & Furious 6 sa pag-alis ng bansa dahil mahal nito ang bansa at masyado siyang na-touch sa hospitality at pagiging warm ng mga Pinoy.
Max gustong maging Thalia
Kung may isa pang pangarap si Max Collins na gustong matupad, ito ang pagganap sa katauhan ni Thalia sa Marimar. Gusto nito na sumasayaw gaya ng idolong Mexican actress.
Ngayong wala pang teleseryeng ginagawa, abala si Max sa shooting ng kanyang unang indie film na The Bamboo Flower sa direksiyon ni Maryo J. de los Reyes. Ito’y para sa Film Development Council of the Philippines na National Film Festival All Masters Edition kasama sina Mylene Dizon, Leandro Baldemor, at Ruru Madrid. Kinunan ito sa Bohol at ipalalabas ngayong September.