GMA nagpakumbaba, nag-sorry sa ‘racist’ na report

Nabasa ng mga taga-GMA News and Public Affairs ang lumabas nung Miyerkules, April 24, sa sister tabloid naming Pilipino Star Ngayon na reaksiyon ni Robin Padilla sa isang Kapuso TV reporter na tinutukoy ang pagiging Muslim ng mga akusado sa Boston Marathon bombing. Napanood ng Kapamilya actor ang balita sa 24 Oras nung Sabado, April 20.

Nagpakumbaba naman ang GMA Network at tinanggap ang kamalian sa ipinadalang pahayag ng GMA News and Public Affairs:

“We apologize for broadcasting a statement that has been seen by many to be ‘racist’ in nature. It is a mistake and we promise to be more careful in the future.”

So, hindi lang para kay Robin nila ginawa ang pagtutuwid kundi para sa buong bayan na rin lalo na sa mga Muslim.

Black propaganda laganap sa text

Nakakairita na ang iba’t ibang pagpapadala ng anonymous text messages mula sa mga alagad ng nangangampanya dahil sa pangit na istilo ng kanilang paninira sa kalaban. Walang binabanggit na pinapaborang kandidato ang misteryosong sender pero alam na ng receiver na ang intensiyon ay ibagsak naman ang kumpetensiya.

Ito na yata ang makabagong black propaganda na tinalo pa ang e-mail at social networking sites dahil sa mabilis na paraan na ‘di na kailangang mag-imbento ng pangalan ng sender. At siguro mas mahirap silang ma-trace sa prepaid number kesa e-mail.

Okay lang sana kung survey type ang pinapadala na may Top 10 sila. Ang kaso ‘yung iba ay parang news format pa na kontrobersiya o anomalya ng pulitiko ang sinasabi.

Narito ang ilang halimbawa ng text message:

“Lasenggo at Bastos ang tawag ng mga _______, magulang ni ________ kay _______. Mayabang at walang galang sa magulang. Ito ba ang tamang asal? Read _______ column ni ______. Pls pass,” ang sabi ng isang sender.

Bakit naman ipapasa pa ng makakatanggap ang ganung klase ng text? Boto ka man dun sa tinutukoy o hindi. Luma na ang isyu ay mag-aaksaya lang ng load ang prepaid subscriber.

“Bakit best friend ni ________ si ________? Siya ang smuggler ng container vans sa customs,” ang say naman ng isang sender.

Tinalo pa ang Trivia King na si Kuya Kim Atienza. O kaya naman ay tila frustrated researcher o reporter yata ang peg niya.

At eto pa ang isa: “Kunyaring mabait si ________ pero siya ang nasa likod ng paninira sa mga kapwa niya kandidato para umangat at manguna. Pinapakalat niya ang mga kasinungalingang text messages. ‘Wag na nating iboto.”

Mag-utos ba? Matatalino na ang mga botante ngayon at kinikilala nang maigi ang kandidato kaya marunong nang pumili. Sana naman ay makuntento na sila sa mga debate sa entablado, pag-iikot, at trimedia ads at ‘wag nang mambulabog ng private citizens sa text na kung minsan ay madaling araw pa ipinapadala.

 

Show comments