MANILA, Philippines - Tinanghal na Reyna ng Aliwan si Jamie Herrell, ang Sinulog festival queen, sa maningning na awards ceremonies noong Sabado ng gabi sa pagtatapos ng taunang Aliwan Fiesta sa CCP Complex.
Ito ang 5th consecutive win ng lalawigan ng Cebu sa Reyna ng Aliwan pageant. Sinundan ni Jamie sina Sian Elizaberth Maynard (2009), Rizzini Alexis Gomes (2010), Rogelie Catacutan (2011), at Angeli Dione Gomez (2012).
Hindi akalain ng 18-anyos na Fil-Am na kanyang makakamit ang korona dahil sadyang mahigpit ang labanan nila ng half-Nigerian na kinatawan ng Iloilo Dinagyang - si Emily Victoria Oke - na siyang first runner-up. Ang iba pang pumasok sa magic five ay ang kinatawan ng Kalilangan Festival ng GenSan na si Gaile Anne Surriga, ang Langub festival muse na si Shella May Kumarasammy, at ang taga Sinulog Sang Kabankalan na si Joahnna Carla Saad.
Maraming nakapansin na parang pinaghalong Christine Jacob at Kristine Hermosa ang mukha ni Jamie, samantalang kahawig naman ni Maxene Magalona si Joahnna.
Sa festival dance competition, muling nakamit ng Iloilo Dinagyang ang kampeonato, samantalang ang Bahandi Han Eastern Visayas ng Lingganay Festival, Alang-Alang, Leyte ang nakakuha ng first prize sa float design.