^

Pang Movies

Rivermaya, balik-eksena sa Earthday Jam!

REBYUWER KIBITZER - Jhi D. Gopez - Pang-masa

Aktibo na naman ang Rivermaya dahil kalalabas pa lang ng bago nilang album pagkatapos ng apat na taon, ang Panatang Makabanda. At isa sa mga pinaka-una nilang sinampolan ng single na Pilipinas, Kailan Ka Magigising ay ang presscon ng Earthday Jam 2013 nung isang linggo na ginanap sa Gerry’s Grill sa Greenbelt 3, Makati City.

Halatang excited si Mark Escueta, ang tumatayong band leader, dahil bukod sa bagong album ay may dalawang bagong miyembro na ring pumasok. Ito ay sina Ryan Peralta, drummer, at Norby David, bassist.

“Hindi na ako drummer ngayon,” bungad ni Mark na nakikanta’t gitara sa kanilang acoustic set pagkatapos ng Q&A.

Pero sa single na kinanta ng Rivermaya ay second lead lang siya sa mikropono dahil ang mas bumanat ng kanta ay si Norby habang si Ryan ang nag-percussion at ang original member pa ring si Mike Elgar ang lead guitarist. Maganda ang nilalaman nang ipinarinig nilang Pilipinas, Kailan Ka Magigising at maganda rin ang pagkakalapat ng musika kahit acoustic version lang ang tinugtog nila.

Ganado rin ang banda sa pag-iimbita para mapanood ang libreng Earthday Jam concert na nasa 13 years na at ikalawang beses gaganapin sa Bonifacio Global City ng Taguig City sa April 19. Si Mark halos ang bumuboka sa banda at mistulang kanang kamay ng producer na si Lou Bonnevie dahil nakikipaliwanag din siya sa mga bisita.

“Sa lahat ng music festival o concert ito na siguro ‘yung pinaka-importante. Siyempre kung walang earth, walang jam,” seryosong sabi ng Rivermaya chief songwriter pero medyo nagkatawanan ang mga nakarinig.

Ang Earthday Jam ay taun-taong isinasagawa ni Lou at ng kanyang asawang si Toto Gentica ng  Dimitri Productions bilang pagpapaalala ng kahalagahan ng pag-iingat sa kalikasan at kung paano ito matutulungan kahit sa pinakamaliit na paraan. Sa concert nagtitipun-tipon ang mga musikero at mga environmentalist na nagbibigay ng ecology tips sa mga dumadayo para manood.

Ngayong taon ay kasama sa line-up ang mga datihang suki ni Lou -- Rocksteddy, Callalily, Sandwich, Moonstar88, Brownman Revival, Reggae Mistress, Mayonnaise, Kitchie Nadal, Nina, Ney (dating 6Cyclemind frontman), at Barbie Almalbis. Pero meron ding mga bago -- Abra, Gracenote, Save Me Hollywood, at Oktaves (bagong banda ni Ely Buendia).

Hindi naman nahihirapang maghikayat ng mga musikerong sumasama ang organizer at hindi rin issue ang talent fee.

“Mga mayayaman na itong mga ‘to eh,” biro ni Lou sabay tingin sa Rivermaya kahit katabi rin ang Mayonnaise at ang baguhang  rapper na si Abra sa mahabang mesa.

Ang nagiging problema lang kadalasan, ayon sa singer-producer, ay ang schedule ng pagsalang sa stage ng bawat artist.

“May mga banda kasing naglalagare. They come from another gig. Naiintindihan naman namin,” sabi ni Lou.

Kung curious kayo sa bagong tunog ng Rivermaya at sa kanilang album, abangan sila sa Earthday Jam dahil dun mapapakinggan ang mga bagong kanta nila -- libre pa.

* * * *

May ipare-rebyu? E-mail: [email protected]

 

ABRA

ANG EARTHDAY JAM

BARBIE ALMALBIS

BONIFACIO GLOBAL CITY

EARTHDAY JAM

KAILAN KA MAGIGISING

LOU

RIVERMAYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with