Colin Farrell nasa kondisyon na naman ang katawan

Sabi na nga ba’t hindi madidismaya ang moviegoers sa  bagong pelikula na Dead Man Down. Hindi tayo bibiguin ni Colin Farrell! Maganda ang dating ng pelikula, kaya naman pala pinapanood pa kahit nasa second week na, at mukhang nasa kondisyon uli ang Irish actor. Fit na fit siya ngayon at lumiit ang mukha na parang na-makeover.

Isang rason kung bakit hindi puwedeng pumangit ito ay dahil idinirek ito ng orihinal na humawak sa The Girl with the Dragon Tattoo (2009), si Niels Arden Oplev. Nandun ‘yung pagka-dark ng mga character, ‘yung durog ang puso ng mga bida na nararamdaman ng nanonood ang sakit na dinadala nila.

Magaling naman din kasi sa drama si Colin at sa totoo lang kahit crime-thriller ang pelikula at sumi­sigaw ng revenge ay matatabunan ‘yun ng namuong love story nina Victor (Colin) at Beatrice (Noomi Rapace, lead actress sa The Girl with the Dragon Tattoo). Saglit kong nalimutan ang aksiyon at ang nakita ko na lang sa big screen ay ang pag-asa ng dalawang taong puwedeng magsimula uli dahil sa pag-ibig.

Magkaiba ng personality sina Victor at Beatrice, nakatira sa magkatapat na apartment, pero pareho silang may kinikimkim na galit sa mga gumawa ng kawalanghiyaan sa kanila. Sila ang perpektong damaged souls kumbaga na pinagtagpo ng tadhana.

Nakakakilig kahit hindi sila magsabi ng nararamdaman nila. O maghipuan.

Cute ‘yung eksena nina Victor at Alphonse (Terrence Howard) na magkausap sa cell phone, hudyat nang simula ng kanilang pagtutuos.

Tanong ni Alphonse sa kanyang tauhan, “Are you coming for me?” Sagot ni Victor, “No, I’m coming for her.” Dahil hostage na nila si Beatrice nung mga oras na yun. At ibig sabihin ay importante na sa buhay ng bida ang babaeng unti-unti na niyang nakilala, at vice versa.
Cute rin at hindi cheesy ‘yung tungkol sa cookies at ‘yung tungkol sa white dress na isinuot ni Beatrice. 

Kung tutuusin ay dalawang babae lang ang nagdala ng pelikula kasama ni Colin - si Beatrice at ang gumanap bilang supportive niyang nanay na may pagka-bingi, ang French actress na si  Isabelle Huppert. At kung magtataka kayo kung bakit epektibo ring mag-French si Beatrice o si Noomi ay dahil Swedish actress naman siya talaga. Kaya makatotohanan na wala siyang American accent sa pelikula.

Ang ganda nang iniwang marka ng mag-ina kumpara sa katrabaho’t kumpare ni Victor, si Darcy (Dominic Cooper), na binigyan pa naman ng mabigat na papel. Ang nakatitindig-balahibo lang niyang eksena ay ‘yung nagkita sila ni Beatrice sa apartment ni Victor kung saan niya nadiskubre ang tunay na pagkatao ng kanyang kapwa killer.

Ang Dead Man Down ay unang American film daw ng Danish director na si Niels pero ang mga gang sa kanyang pelikula na namugad sa New York City ay pinaghalong mga Albanian at Hungarian.

Si Alphonse naman, ang pinaka-kontrabidang crime lord na mapagkakamalang modelo ng mga suit na suot, ay ipinakitang nakakapag-Espanyol. In short, pinagsama-sama rito ang mga nagbabakbakang iba’t ibang lahi.

* * *

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

 

Show comments