Totoong lagay ni Sammy Lagmay makikita na

MANILA, Philippines - Isang Zamboangeño na nakipagsapalaran sa Maynila, naging mensahero, hanggang sa biglang hinatak para mag-ekstra sa telebisyon at nakitaan ng potensiyal sa pagpapatawa… ito raw ang pinagdaanan bago nakilala si Sammy Lagmay sa larangan ng komedya. Ilang taon din siyang nakapagpasaya tuwing siya’y humaharap sa kamera.

 Pero nitong nakaraang taon, ibang Sammy ang nakita ng mga tao — nanghihina at wala na ang ngiti sa mukha dahil ang sigla niya ay inagaw na raw ng kanyang sakit sa bato. Baldado na at bulag pa ang isang mata, gusto nang sumuko ni Sammy dahil maliban sa nahihirapan na, sawa na siyang kumatok sa mga puso ng mga kakilala para manghingi ng tulong.

Sa Cebu naman naroroon si Lyn. Siya’y dalawampung taong gulang na pero sustansiya lang ng gatas ang bumuhay sa kanya. Lima silang magkaka­patid at tanging siya lang ang kakaiba. May diperensiya sa kanyang mukha, hindi nakakapagsalita at katawan ay buto’t balat. Gayunpaman, biyaya pa rin ang turing sa kanya ng kanyang pamilya, ngunit nangangamba sila kung hanggang kailan nila makakapiling si Lyn.

Ano nga ba ang tawag sa kondisyon ni Lyn? At paano mabibigyan ng inspirasyon ang komedyanteng si Sammy para muling lumaban sa buhay? Abangan sa Wish Ko Lang! kasama si Vicky Morales ngayong Sabado, pagkatapos ng Startalk, sa GMA 7.

Kuya Kim at DZMM anchors makikitakbo para sa karunungan

 Pangungunahan ng ABS-CBN anchors na sina Karen Davila, Gerry Baja, Winnie Cordero, Gretchen Fullido, at Kim Atienza na tatayong ambassador ang ikatlong taunang DZMM Takbo Para sa Karunungan na gaganapin na sa March 23 (Sabado), 4:00 a.m. sa Quirino Grandstand, Manila.

Kasama nilang tatakbo ang libu-libong kalahok sa para sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng 75 na iskolar ng himpilan, kung saan 25 ay mga estudyanteng biktima ng Bagyong Sendong sa Cagayan de Oro at 50 iskolar sa Metro Manila na hinagupit ng Habagat at Bagyong Ondoy.

Bukod sa pagkakataong tumulong, may mga nakaabang ding cash prizes para sa top winners ng 3-km., 5-km., 10-km., at 21-km. race categories pati na rin sa lalahok na government organizations, non-government organizations, at mga paaralan na may pinakamaraming bilang ng kalahok. Ang registration fee para sa mga ito ay nagkakahalagang P450, P550, at P600, habang P300 naman ang registration fee para sa mga estudyante.

Bago pa man ang ilunsad ang DZMM Takbo Para sa Karunungan noong 2011, sinimulan na ng himpilan ang DZMM Takbo para sa Kalikasan noong 1999. Ang taunang takbong ito, na isinagawa hanggang 2010, ay nakapaglikom ng pondo para sa mga proyektong pangkalikasan katulad ng rehabilitasyon ng La Mesa watershed at Pasig Rehabilitation Project sa pakikipagtulungan ng Bantay Kalikasan ng ABS-CBN Foundation.

Makiisa sa pagsulong ng edukasyon kasama si Kuya Kim at DZMM anchors. Para mag-rehistro, bisitahin lang ang www.dzmm.com.ph o tumawag sa secretariat sa 415-2272 local 5674 and 5641. 

Mareng Winnie aalamin kung bakit maraming jobless graduates

Kulang sa husay sa komunikasyon, hindi mahusay mag-analisa at resolba ng problema, at walang inisyatibo. Ito raw ang ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit apat sa sampung nagtapos ng kolehiyo ay hindi nakakakuha ng trabaho, ayon sa People Management Association of the Philippines o PMAP.

Sa panayam ni Prof. Solita “Winnie” Monsod, sinabi ni Dr. Jocelyn Pick ng PMAP na dagdag pang problema ay ang hindi makatotohanang mataas na suweldo na agad gustong makuha ng mga nagtapos ng kolehiyo. Gayun din, kailangan pa munang gumastos ng mga kumpanya para sa muling pagsasanay ng mga graduate dahil kulang ang kahandaan nila sa trabaho.

’’Marami ngang graduates pero kulang sa competencies na kailangan ng market,” ayon kay Dr. Pick.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit 12.4 % ang unemployment rate ng mga nagtapos ng kolehiyo.

Ayon naman kay Dr. Arsenio Balisacan, Director-General ng National Economic and Development Authority, kailangang paghusayin pa ang imprastraktura at sistema ng pagnenegosyo sa bansa para mas ma­engganyo ang mga may kapital na magtayo ng negosyo sa bansa. Pero unang-una na ay dapat maba­wasan ang red tape.

Show comments