Pinangalanan sa malawakang scam na kasali ang maraming artista: Kris nagsalita na sa P50 M investment sa Aman Futures Group

MANILA, Philippines - Isa ang pangalan ng Kapamilya at Queen of All Media na si Kris Aquino sa diumano’y sinasabing isa sa mga naging biktima ng malawakang investment scam na Aman Futures Group na pinamumunuan ni Manuel K. Amalilio. Marami pang mga kilalang pangalan sa local showbiz at politics ang sinasabing na-involve sa scam nito pero nananatili silang tahimik at hindi kinukumpirmang dawit nga sa bagay na ito.

Pero isa sa umalma at tumangging naging biktima siya ng Aman ay si Kris. Base sa interview ni Ted Failon sa DZMM sa isa sa bida ng teleseryeng Kailangan Ko’y Ikaw, pinabulaanan ni Kris na kasali siya sa investors.

Ayon kasi sa report ng Borneo Insider, isang local newspaper sa Malaysia, noong Jan. 30 — na may pamagat na “Who is Manuel K Amalilio aka Mohammad Kamal bin Said CEO of Aman Futures Group Philippines INC”— ay pinangalanan dito si Kris na isa diumano sa mga biktima.

Bahagi ng artikulo ay nakasaad na, “President’s own sister among thousands swindled… Among those victimized included senior Philippines government officers and even the President’s own sister Kris Aquino was said to be among them, who was said to have invested 50 million pesos in it.”

Kaya sa panayam ni Ted kay Kris kahapon, Feb. 15, habang nasa bakasyon ang TV host-actress sa Siargao, tuwirang pinabulaanan ni Kris na nag-invest siya sa Aman Futures na pinamumunuan ni Amalilio.

“Totoo naman, talagang wala akong ini-invest dito. Hindi ko sila kilala, hindi ko sila nakahalubilo, wala kong P50 million na inilagay sa Aman na ’yon.

“I’m not passing the blame pero remember ’yung pinagiba mo sa Boracay, hindi ba kapangalan ko rin ang may-ari noon?

“Hindi ba ’yung resort ’yung ini-expose mo na walang permit... so, baka naman (kapangalan),” pahayag ng presidential sister.

Pero inamin ni Kris na may mga kaibigan siyang nag-invest sa Aman pero hindi raw siya naalok na mag-invest dito.

“Never. May kaibigan akong nag-invest diyan pero noong nabalitaan ko, sabi ko nakakatakot ’yung ganyan sobrang laki ng interest talaga.

“Sa sobrang pagpupuyat para kitain ang pera at paghihirap, doon lang ako sa safe.

“Ayaw ko talaga ng risky na investment. Doon lang ako sa mga coupon, coupon, at trust fund ng mga anak ko at sa SDA (special deposit account),” pahayag pa ni Kris para patunayang hindi siya naloko ng investment scam na Aman Futures Group.     

 

Show comments