Dismayado nga ang isang team ng reporters na galing pa sa ibang bansa nang ma-interview nila ang isang kilalang aktor sa ating bansa.
Sa mga nababasa nga kasi nila sa aktor na ito, mukhang matalino at maganda itong subject para sa isang segment nila sa kanilang magazine show.
Nakipag-ayos na sila sa schedule ng aktor at pinapunta na lang sila sa taping ng kanyang TV show.
Hinarap naman sila ng mga tauhan ng aktor at inalam kung ano ba ang gagawing interview. Sinabi nila na tungkol lang naman ito sa buhay niya bilang aktor at ano ang future plans pa niya?
Kumbaga, profile lang at may konti silang mga pasingit-singit na questions.
Umalis lang saglit ang assistant ng aktor at pinakita ang mga itatanong sa aktor. After five minutes ay bumalik ang assistant at sinabi na okay daw ang questions.
Haharap daw ang aktor kapag tapos na siya sa isang malaking eksena. Pahabol pa ng assistant na isulat na nila ang mga sagot sa mga tanong para malagay na sa teleprompter.
Nagtaka tuloy ang reporters kung bakit sila ang magsusulat pa ng dapat na isagot ng aktor? Hindi ba dapat ay ang aktor ang sasagot ng kusa sa mga tanong?
At nakadagdag pa sa katanungan nila ay kung bakit kailangan pa nitong gumamit ng teleprompter?
Binalikan ng reporters ang assistant ng aktor at sinabing hindi nila alam ang puwedeng isagot ng aktor dahil sa kanya manggagaling ito. Hindi naman daw kailangan pang gumamit ng teleprompter.
Sinabi na lang ng assistant na siya na ang gagawa sa mga isasagot ng aktor. Hindi raw puwedeng magpa-interview ang aktor na walang teleprompter. Ayaw na pala kasi niyang mag-isip pa ng isasagot lalo na’t stressed na raw sa ginagawang TV show.
Naintindihan naman iyon ng mga reporter at naghanda na sila. Noong humarap nga sa kanila ang aktor, tunay ngang may teleprompter sa harapan niya.
Medyo na-turn off lang ang mga reporter dahil ang inakala nilang matalino ang magaling sumagot na aktor ay nagre-rely lang pala sa mga tauhan niya para sa kanyang mga sagot.
Wala palang sincerity ang mga sagot nito sa kanila dahil binabasa na lang niya ito lahat.
At ang nakakatawa pa ay pati ang kanyang pagngiti o pagiging seryoso sa mga sasabihin ay nakasulat din dapat sa teleprompter!