Nakaka-excite na bibisita rin sa Pilipinas ang Hollywood actors na sina Vin Diesel at Paul Walker tulad nang ginawa ni Michelle Rodriguez kamakailan. Parehong nagkasama ang tatlo sa pelikulang Fast and Furious.
Pero kung si Michelle ay nagbakasyon lang talaga nung nandito siya, ang pagpunta nina Vin at Paul sa Mayo ay para sa Asian premiere naman ng kanilang Fast and the Furious 6. Sosyal, ‘di ba? Dadayuhin tayo ng Hollywood stars para rito naman sila mag-premiere!
Ang magandang balita ay mula sa Solar Entertainment Corp. Inanunsiyo nila ito sa advanced screening nung Lunes ng Les Miserables na kanila ring idi-distribute tulad ng Fast and Furious franchise.
At bongga dahil kasama pala uli si Michelle sa ika-anim na installment ng maaksiyong pelikula tungkol sa karera ng mga kotse.
Si Michelle ang gumanap na unang girlfriend ni Vin na isang nagtatagong kriminal at wanted sa FBI agent na si Paul. Pero katagalan ay hinahabol na rin ng batas ang huli.
Tiyak na maraming baong tips ang astig na aktres, na lumabas na sa SWAT at Avatar, sa dalawa niyang co-stars pagpunta rito.
Babalik din sa Fast and the Furious 6, tulad ni Michelle bilang si Letty Ortiz, si Dwayne Johnson aka The Rock na gumaganap namang si Luke Hobbs na isang Diplomatic Security Service agent. Kaya lang wala pang kumpirmasyon kung sasama siya sa tropa sa premiere night na gaganapin sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila sa Pasay City.
Pero makarating man siya o hindi, solved na sa tatlong nabanggit na kumpirmadong pupunta talaga.
Basta kung fan din kayo ng Fast and Furious at nalaman na ninyong bibisita ang main cast dito, baka pare-parehong hindi na tayo makatulog simula mamayang gabi!
* * *
May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com