MANILA, Philippines - Babasagin ni Atom Araullo ang katotohanan sa likod ng kinatatakutan at pinaniniwalaan kulam ng ilan sa mga Pilipino sa kuwento mismo ni Virginia na nakaranas umano ng pangungulam sa loob ng maraming taon ngayong Biyernes (Jan. 11) sa Pinoy True Stories: Hiwaga.
Ayon kay Virginia, nagsimula ang pangungulam sa kanya matapos hindi magkasundo ang kanilang mga pamilya dahil lang sa mana.
Una ay inatake ng aso ang kanyang anak na sinundan ng nakapagtataka pang mga kaganapan sa kanyang pamilya tulad ng pagkakaroon ng tatlong buwang lagnat, biglang paglagas ng buhok ng kanyang anak, butas sa lalamunan ng kanyang ina na singlaki ng piso na naging dahilan ng kanyang pagkamatay, at pagkamatay din ng manggagamot na tumutulong sana sa kanya.
Inisip niyang taka-san ang mga sumpa sa pamamagitan ng pag-alis sa probinsiya ngunit hindi rin ito nakatulong dahil sinundan siya ng kulam saan man siya magpunta. Maging ang mga agimat na inaasahan niyang magpoproteksiyon sa kanya ay nasira o nawala.
Posible kayang mawala ang bisa ng kulam kay Virginia o susundan siya nito hanggang kamatayan?