Movie nila AiAi at Marian kuwento pa lang nakakatawa na

Hindi puwedeng magpagupit ng buhok si Marian Ri­ve­ra dahil sa pelikula na ginagawa nila ni AiAi delas Alas.

Ito ang dahilan kaya gumamit ng wig si Marian sa mga eksena niya sa Temptation of Wife para magbago ang hitsura niya.

May idea na ako sa kuwento ng movie project nina AiAi at Marian. Sa kuwento pa lang, natawa na ako dahil sa mga eksena nila na nakakaloka.

Annabelle walang ikakabahala sa ginawa ni Direk Peque kay Richard

Totoo na inawat ni Annabelle Rama si Richard Gutierrez para huwag itong magpakita ng puwet sa Seduction pero walang nagawa si Bisaya dahil mas malakas ang convincing power ni Peque Gallaga, ang direktor ng pelikula.
Kinakabahan ngayon si Annabelle sa magiging reaksiyon ng mga tao sa mga ginawa ng kanyang anak.

Walang dapat ikabahala si Bisaya dahil disenteng direktor si Peque. Ibang-iba naman ang kuwento at mga eksena ng Seduction sa Scorpio Nights, ang pelikula ni Peque na soft porn ang classification.

Aso ni San Roque titiklop na para sa Indio

Ngayong gabi ang special preview ng Indio, ang opening salvo ng GMA 7.

Dadalo sa special screening ng epic serye si Sen. Bong Revilla, Jr. na sobrang excited na sa nalalapit na airing ng Indio. 

Sandali na lang ang ipaghihintay ng mga nag-aabang sa Indio dahil magsisimula na ito sa Jan. 14.

Mapapanood ang Indio pagkatapos ng 24 Oras. Ang Indio ang kapalit ng Aso ni San Roque na magwawakas sa darating na Bi­yernes.

GMA 7 kids sumama kay Kidlat

Mga batang artista na napapanood ko dati sa GMA7 ang starring sa Kidlat, ang super serye ng TV5.

Nandiyan sina BJ Forbes, Julian Trono, at Sandy Talag na mga nag-umpisa ang showbiz career sa Kapuso Network.
May permiso naman ng GMA 7 ang paglabas ng mga bagets sa mga show ng Kapatid Network.

Kaso ni Sarah L. tinututukan ng mga kalalakihan

Nakakaloka ang mga lalaking empleyado ng GMA7 dahil sinusubaybayan nila ang mga mangyayari sa kaso ni Sarah Lahbati at ng Kapuso management.

Mga tunay na lalaki na nag-uumpukan ang narinig naming pinag-uusapan ang isyu sa pagitan ni Sarah at ng GMA 7. Ang ibig sabihin, marami ang interesado sa kahihinatnan at closure ng unang showbiz pasabog sa 2013.

Tahimik ang kampo ni Sarah. Hindi pa nila sinasagot ang isyu na idedemanda siya ni Atty. Annette Gozon-Abrogar. Marami ang nakaabang sa next tweet ni Sarah dahil sigurado raw na sasagot ito bilang may oras siya para mag-tweet.

Ibang level ang pagmamahal

Walang naglakas-loob na magtanong kay Richard Gutierrez sa presscon ng Seduction tungkol sa isyu na kinasasangkutan ng kanyang girlfriend.
Kahit hindi tinanong at nagsalita si Richard, obvious na suportado niya si Sarah sa laban nito. Iba ang level ng pagmamahal ni Richard kay Sarah dahil sa kanyang mga naging karelasyon, ang dalaga lamang ang inilantad at inamin niya sa publiko.
                         

Show comments