Nakakaloka dahil si Sarah Geronimo ang inaasahan ko na may pasabog sa mga unang araw ng 2013 dahil sa kanyang thanksgiving party kagabi pero ibang Sarah pala. Si Sarah Lahbati!
Hot topic kahapon ang agad-agad na desisyon ni Sarah L. na mag-goodbye showbiz. Marami ang nagulat dahil sa tingin nila, maayos ang takbo ng acting career ni Sarah kaya walang dahilan para mag-back out siya, bumalik ng Switzerland, at ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
May mga umaasa na magbabago ang isip ni Sarah pero isang malapit sa kanya ang nagsabi na wala nang atrasan ang pasya niya.
Aalis na raw ang dalaga sa lalong madaling-panahon!
Hinihintay ang reaksiyon ni Richard Gutierrez sa sudden decision ng kanyang girlfriend at leading lady sa Seduction. In love na in love ang dalawa sa isa’t isa kaya siguradong malulungkot si Richard sa pag-alis ni Sarah. Malayung-malayo ang Switzerland sa Pilipinas at mahirap i-maintain ang isang long-distance love affair. Pero kung true love ang nararamdaman nila, walang malayo o malapit na lugar!
Pangungulelat ng Sosy Problems hindi nagkatotoo
Natutuwa ako sa naging kapalaran sa box office ng Sosy Problems dahil milyun-milyong piso na ang kinita ng filmfest movie ng GMA Films.
Nagkamali ang mga hula na mangungulelat sa takilya ang Sosy Problems dahil hanggang ngayon, pinipilahan ang pelikula na hindi nakaranas na ma-pull out sa mga sinehan.
Sa totoo lang, naaliw ang mga nanood ng Sosy Problems dahil nakakatawa ang pelikula. Nasorpresa sila dahil highly-entertaining ang GMA Films movie kaya pansamantala nilang nalimutan ang kanilang mga problema.
Uulitin ko ang isinulat ko noon na hindi na sana ipinaalis ni Andoy Ranay ang pangalan niya sa film credits dahil marami ang nagandahan sa kanyang pelikula. Si Andoy ang direktor ng Sosy Problems pero siya ang unang nagkaproblema kaya nag-disappearing act siya bago pa man nagsimula ang Metro Manila Film Festival 2012 noong Dec. 25.
Yasmien may iba pang mga rebelasyon
Parang hindi nanganak si Yasmien Kurdi sa latest photos niya na nakita ko. Wala pang dalawang buwan na nagsisilang ng anak si Yasmien pero bumalik na agad ang korte ng kanyang katawan.
Maligayang-maligaya si Yasmien dahil ganap na ang kanyang pagkababae. May loving at responsible husband siya plus anak na sobrang cute.
Panoorin ninyo bukas sa Startalk ang mga rebelasyon at kuwento ni Yasmen tungkol sa bagong kabanata ng kanyang buhay.
Tatlong taong gulang inaatake na sa puso?!
Na-depress ako sa isang eksena na na-sight ko sa ospital noong bisperas ng Bagong Taon.
Isang tatlong taon na bata ang isinugod sa emergency room dahil hindi siya magising. Ang sabi ng mga doktor, inatake sa puso ang kaawa-awang bagets. Shocking dahil hindi ko alam na may mga bata na inaatake sa puso.
Ang kuwento ng mga magulang, ginigising nila ang bata para mapanood nito ang fireworks display pero hindi siya nagmulat ng mga mata. Awang-awa ako sa mga magulang ng bata dahil napakalungkot ng kanilang 2013.