Hindi nga gaanong nailabas ang acting ni Nora Aunor sa El Presidente: The General Aguinaldo Story and the First Revolution. O hindi siya binagayan ng materyal, ang karakter ni Maria Agoncillo.
Kung si Nora ay parang “shy type” pa sa comeback film niya, na mas nauna pang ginawa sa Thy Womb, marami namang aktor sa El Presidente na nanggagalaiti sa galit sa maraming eksena. Akting na akting. Talagang rebolusyonaryung-rebolusyonaryo sila.
Una na si Cesar Montano bilang Andres Bonifacio. Wala kayang nag-react sa angkan niya na ginawa siyang malditong bandido?
Ikalawa si Christopher de Leon na gumaganap na Antonio Luna. May pagka-traydor din at balimbing. Sa sobrang tapang nga ay may criminal instinct na siya. Pero ang shocking ay nang sampalin niya ang matandang ‘di niya type ang tabas ng dila!
Ikatlo si Baron Geisler na epektibong Kastilang sundalo. War freak na war freak nga siya. Gigil na gigil sa galit pero lumabas namang maganda ang pag-arte ng bipolar actor.
Hindi kasama sa nanggagalaiting boys si Gov. ER Ejercito bilang si Hen. Emilio Aguinaldo dahil kontrolado ang emosyon niya. Kumbaga, hindi siya madaling ma-high blood. Pero paumanhin, mas magaling siyang bida sa Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story. Hindi naman ibig sabihin na mas bagay siyang sanggano kesa pangulo.
Sosy Problems hindi TH!
‘Kaaliw naman pala ang Sosy Problems. Hindi nga kailangang magpaka-lalim pa sa plot, satirical comedy kasi. Malayo sa pagiging bakya pero may pagka-cheesy din.
Perfect ang female cast sa pagmamando ni Direk Andoy Ranay: Rhian Ramos, Solenn Heussaff, Bianca Araneta, at Heart Araneta. Isama pa sina Cherie Gil, Agot Isidro, Ruffa Gutierrez, at Maritoni Fernandez, Mylene Dizon. Pati na ‘yung gumanap na dyulalay ni Mylene at ‘yung Bisayang secretary ng daddy ni Rhian.
Hindi nagpipilit maging kikay o pakuwela ang apat na rich young ladies pero nakakatawa ang kaartehan nila na ‘di naman sinasadya. At pagtatawanan din ang kamangmangan nila sa maraming ordinaryong bagay na ‘di kasi nila nakasanayan.
Hindi rin nag-overacting sa pagka-jologs ang social climbers tulad ni Bernice (Mylene) at ng dakila niyang personal assistant na ‘di ko nakuha ang pangalan. Riot ang mag-lola.
Na-highlight din ang magkaribal na Miss Metro Manila beauties na sina Martina (Cherie) at Glory (Agot). At kahit nagbabangayan ang French-speaking separada at ang Ilongga, lumaking best friends ang mga anak nilang sina Margaux Bertrand (Solenn) at Claudia Ortega (Heart). Sweet sila kahit magtaray pa.
Nag-stand out naman ang beauty at talent ni Rhian bilang si Lizzie Consunji. Siya ang nag-lider-lideran at pinaka-bratty sa barkada nila pero makakatikim ng leksiyon sa simpleng buhay-probinsiya. Panalo rin ang idinispley na power legs! Ngunit kwidaw kayo, hindi lahat ng anak-mayaman ay kasing ganda at kasing fabulous ni Lizzy o ng mga kaibigan niya ha? Pelikula lang ‘yun!
Kay Bianca naman natoka ang drama. Siya si Danielle Alvarez na panganay na anak ng pulitikong may kaso at na-squester na ang kayamanan. Ang ganda ng eksena ni Danielle sa plinanong dinner date sana kay Inigo (Alden Richards) pero si Santiago Elizalde (Mikael Daez) ang pinagtiyagaang kausap.
Palabas pa ito at masosorpresa ang manonood dahil may dalang aliw ang pelikula. Isang katunayan ay ang grupo ng mga bading na sumugod sa sinehan at nagpa-sosyal din sa mga pa-girl na damit.
Nakakatawa at nakakaalis ng stress ang Sosy Problems kahit wala pang dalawang oras. Iba ang mga problema ng mga sosy sa problema ng masa pero magandang panoorin na lang kung anu-ano ba iyon. Basta makiki- “no to yaya mall, yes to polo club” na rin kayo paglabas ng sinehan.
Sana sa susunod ay tapusin ng GMA Films ng maaga ang pelikula nila at bigyan ng matinding promosyon. Mas maganda pa sana ang naging standing nito sa takilya kahit walang box-office queen na kasama.
o0o
May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com