Malakas ang bulung-bulungan na mukhang lilipat na sa ibang TV network ang young drama actress kapag nag-expire na ang kontrata nito sa early part ng 2013.
May nakakakita na nga raw na ka-meeting ng manager niya ang ilang executives ng ibang TV network. Ang dagdag pa ng source namin ay nakaplano na ang gagawing projects ng young drama actress. Hinihintay na lang ang pormal na pagpirma ng kontrata sa kanila.
“Open pa naman for renegotiation ang manager ni young drama actress. Kung mas maganda ang io-offer na mga project, they will stay sa current network.
“Pero kung hindi raw bongga ang offer at same-same lang ang gagawin, they might accept the offer ng kabilang TV station,” imporma sa amin ng source.
Kaya bago mag-expire ang kontrata dapat ay kumilos na ng mabilis ang ilang executives para mapanatili pa sa kanilang TV network ang young drama actress.
Sayang din naman dahil malaki na ang naging hirap nila sa pag-build up sa bagets. Baka ang ending ay ibang istasyon lang ang makinabang ng husto.
Eula nami-miss katrabaho si Lorna
Masayang ibinalita ng TV5 young actress at Star Factor winner na si Eula Caballero na may second season na ang kanyang horror-suspense series na Third Eye.
“Magandang Christmas gift sa akin noong sabihin na may second season ang Third Eye. Nalungkot po ako noong matapos na ang show kasi nga naging close na kaming lahat sa show. Feeling ko hindi na kami magkikita pa ulit.
“Pero dahil may second season na siya sa January, sobrang happy na ulit ako,” pahayag ni Eula sa Christmas party ng TV5 for the press recently.
Pero sa pagbabalik ng Third Eye, wala na si Lorna Tolentino na gumaganap na Rosanna sa naturang series dahil nasa bakuran na ito ulit ng GMA 7 para gawin ang primetime series na Pahiram ng Sandali.
“Sobra kong mami-miss si Tita Lorna kasi napakabait niyang tao at very accommodating sa tulad kong baguhan. Marami akong natutunan kay Tita Lorna especially sa acting.
“Hindi po siya maramot na magbigay ng advice at mami-miss ko ang mga kuwentuhan namin sa set,” sabi ni Eula.
Kasalukuyang kasama ang young actress sa eco-seryeng Enchanted Garden. Kelan lang nga siya nag-taping para sa role niya as Ella.
Inintriga agad si Eula dahil lalabas ngang support lang siya sa show na pinagbibidahan ni Alex Gonzaga.
“Magiging kakampi ako rito ni Aya (Alex) para labanan si Santan (Iwa Moto). Wala naman po akong problema kung support ako sa show. Nagawa ko naman na ‘yun before sa Bagets: Just Got Lucky, The Sisters, at Sa Ngalan ng Ina.
“Ang importante ay nabibigyan ko po ng suporta ang mga kapatid ko sa TV5. At trabaho rin naman po ‘yun. Hindi po ako tatanggi sa grasya,” ngiti ng Kapatid star.
Hindi lang sa TV busy si Eula dahil kasama rin siya sa malaking cast ng Metro Manila Film Festival official entry na Shake, Rattle & Roll XIV: The Invasion na produced ng Regal Entertainment, Inc.
Nasa episode siya nina Lovi Poe at Vhong Navarro na Unwanted na idinirek ni Chito Roño.