Iba pala ang trip ng isang character actor kapag naparami ng inom.
Dalawang beses kong natiyempuhan sa isang bar sa Malate, Manila ang magaling na aktor na madalas mapanood sa indie film.
Mukhang paborito niya ’yung banda at ’yun talaga ang dinadayo niya. Nakakagulat pero nakakaaliw lang ikuwento dahil kung sa unang beses ay behaved siya sa bar, sa ikalawang pagkakataon na nakita ko siya ay gumawa na ng eksena ang medyo may edad nang aktor.
Habang nasa kalagitnaan ng performance ng ethno-rock band at halos lahat ay nagsasayawan, nangibabaw ang boses niya sa kasisigaw ng “Re-vo-lu-tion!” Oo, ganyan nga ang pagkakabigkas ng character actor at Ingles pa talaga. Hindi ko alam kung sino ang peg niya kasi malayo naman sa pagiging aktibista o katipunero-style ang pagkakasigaw niya.
Medyo nagtinginan na ang ilang tao at pati ang banda ay napasulyap na sa puwesto niya. Hindi kasi malaman kung nagbibiro, nang-aasar, o seryoso ang emosyon ng character actor. Matapos ang mga lima o anim na sigaw ng “Re-vo-lu-tion!” ay natahimik din naman siya.
Wala naman sanang magtataka sa kanya kung nagkataon lang na sa punk band o bandang galit sa gobyerno ang natapatan niya. Ang bandang pinanood namin ay nagmamahal lang naman sa kalikasan at sa kultura ng indigenous tribes. Wala naman siguro silang ipagre-rebolusyon. Maliban na lang siguro kung sinasakop na ang lugar nila o inuubos ang kanilang tribo.
Management nina Kitchie, Teddy at Barbie, aktibo na naman
Matagal na rin akong walang balita sa 12 Stone Records kaya medyo nagulat ako ng makatanggap ng “newsletter” nila sa e-mail.
Nagpaparamdam ang independent na artist management at record company ni Tommy Tanchanco.
Mula nung naitatag sila ng 2003, nasanay na ako na tatlo lang ang nasa ilalim nilang artist. Nauna si Kitchie Nadal nang mag-solo ito.
Sumunod ang Rocksteddy na kilalang-kilala na ngayon ang vocalist na si Teddy Corpuz dahil sa It’s Showtime. At ang huli ay si Barbie Almalbis. Sa loob ng maraming taon ay sila lang ang inalagaan ng 12 Stone Records.
Pero sa e-mail ay naibalita nilang may tatlo na silang bago. Ang Save Me Hollywood na ang bentahe ay nasa bokalista nilang Atenista, disc jockey sa Jam 88.3, at video jock din sa MYX, si Juliann “Julz” Savard. Ang Absolute Play na sobrang bata pa ng tatlong miyembro ng banda – edad 13, 14, at 17 years old lang! At si Ruth Legaspi na base sa mga sampol niyang cover songs sa soundcloud.com ay nasa linyang pop at ballad.
“’Yung Absolute Play meron ng EP, naka-distribute na sa mga Odyssey outlet. Si Save Me Hollywood nagre-recording pa ngayon. Ang target, mga January release. Si Ruth Legaspi naman gano’n din,” balita pa ni Khendy Loiz Baviera ng 12 Stone Records.
“Si Kitchie and Barbie kakabalik lang galing Singapore back from a very successful back-to-back concert last November 24 at Gig Place in Vivo City.”
Mukhang marami pa tayong aabangan sa hanay ng mga musikero ng 12 Stone Records sa 2013. Maganda ’yung nakikipagsabayan pa rin sila sa mainstream. Masasabing nicher naman sila kaya may sariling market.
Sa mga hindi pa nakakaalam, karamihan o lahat ng artist na nasa management ni Tommy ay Christian. Para silang Genesis Entertainment nina Gary at Angeli Valenciano pero mga banda ang hinahawakan dahil nasa rock ang passion ng bossing ng 12 Stone Records.
May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com