Mga nag-judge sumakit ang tenga Singing champ pinilit mag-British accent sa audition, pati pagpa-falsetto pinagtawanan
Isang singing champion ang lumagpak sa Miss Saigon audition. Unang depekto niya, ang hirap na hirap na pagbigkas at paglalagay ng ‘‘British’’ accent sa kanyang diction. Turned off agad ang mga namahala ng audition.
Ayon pa rin sa mga Pinoy na kasama sa pagpili, sumakit ang kanilang mga tenga nang mag-falsetto na ang male champ sa mga parteng mataas ng kanta. Inilihim ng mang-aawit ang pagsali niya sa pagsubok pero kumalat din ’yon dahil marami siyang kasabay na kapwa Pinoy.
Bumalik na lang siya sa mga local stage musical production company na puwede siyang pagtiyagaan dahil pumapayag naman siya kahit halos libre ang kanyang paglabas sa mga musical.
Pokwang nilasing lang ang nakilalang dyowa sa Vegas!
Pilit na ipinagkakaila ni Pokwang na may nakilala na siyang someone special sa Las Vegas, Nevada. Pakiusap niya, huwag munang pag-usapan at baka biglang maudlot.
Tiyak naman na hindi lasing ang kanyang potential boyfriend noong nagkakilala sila. Kahit naman siguro matauhan ng husto, baka talagang attracted siya sa exotic beauty ng komedyana!
Pelikula nina Bong, Goma, at Albert, maambisyon!
Dumating na ang panahon upang simulan ang pagsasalin sa pelikula ng isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng ating bansa — ang isang siglong kuwento ng Iglesia Ni Cristo (INC) at kung paano lumaganap ito sa pamumuno ni Ka Felix Y. Manalo.
Bahagi ang pagkatatag at pagyakap ng ating mga kababayan sa Iglesia ni Cristo ang tunay na demokrasya — ang kalayaan sa pananampalataya na sumukob sa milyun-milyong Pinoy. Kung paano nagawa ito ni Ka Felix hanggang nagtawid dagat pa sa iba’t ibang bansa ay tunay na inspirasyon para sa ating lahat.
Isang mapangahas na pagtatangka ang paggawa ng Ang Sugo (The Latest Messenger) na sa pagpaplano pa lang sasabihin ng imposible. Sabi nga sa amin ng batikang direktor na si Amable “Tikoy’’ Aguiluz noon, nang mabanggit sa kanya ang ambisyosong proyekto ay biglang nanlaki ang kanyang ulo at sinaklob ng kilabot ang buo niyang katauhan.
Tulad ni Tikoy, alam ng lahat na magkakaroon ng parte sa paggawa ng Ang Sugo na ang pinanghahawakan nila ay ang matibay na pananalig sa Diyos. Ang buung-buong paggabay ng Mahal Na Ama ang lakas na gagabay sa kanilang lahat upang maibigay sa mga manonood na Pinoy ang isang dakilang obra, Ang Sugo (The Last Messenger).
Sa tatlong pangunahing tauhan sa isangdaan taong kasaysayan ng INC, na sina Ka Felix, Ka Eraño Manalo (Ka Erdie), at Ka Eduardo Manalo, sina Richard Gomez, Albert Martinez, at Sen. Bong Revilla, Jr. ang gaganap. Lahat silang tatlo, itinuturing na malaking karangalan ang mapili sa mga kakaibang papel at nangakong gagawing buong husay ang mga tungkulin at malaking hamon sa kanila.
Ang balita pa, si Sen. Bong na isa sa tumatanggap ng pinakamataas na talent fee sa mga pangunahing aktor, gagawin ng libre ang pelikula.
Ang kanyang tunay na misis, si Rep. Lani Mercado ng Bacoor, Cavite, ang siyang papapel na ginang ni Ka Eduardo sa Ang Sugo.
Ngayon pa lang pinaghahandaan na ng husto ni Richard Gomez ang pagganap sa one of the most loved historic figures ng Pilipinas, si Ka Felix Y. Manalo.
‘‘Milyun-milyon ang nagmamahal kay Ka Felix sa ating bansa pati na sa iba’t ibang panig ng daigdig kaya’t naiintindihan ko ng buung-buo ang kadakilaan ng tunay na taong aking gagampanan,’’ sabi ni Goma.
Si Snooky Serna naman ang gaganap na maybahay ni Ka Erdie. Sa ngayon, naghahanap pa ng isang aktres upang maging Mrs. Felix Manalo sa Ang Sugo.
- Latest