Mister ni Assunta, isa sa pinakamaraming absent sa kongreso

MANILA, Philippines - Nasa Kamara ba ang inyong Kongresista? O kung wala man, nakikita ninyo ba siya sa inyong distrito?

Sa talaan ng House of Representatives, si Ang Galing Party-list Juan Miguel Arroyo ang may pinakamaraming pagliban o absences sa sesyon ng Kamara mula noong June 2010 hanggang nitong nakalipas na linggo. Limampung beses siyang ‘di dumalo sa sesyon. Pumapangalawa sa kanya si Negros Occidental Rep. Julio Ledesma na nagtala ng 41 na absences. Pumapangatlo si Iloilo Rep. Augusto Syjuco, na ‘di nagpakita sa sesyon ng 40 beses.

Nang pumasyal sa Kamara si Prof. Solita “Mareng Winnie” Monsod nitong linggong ito, napatunayan na manipis na nga ang bilang ng mga mambabatas sa session hall.

Noong Miyerkules, ang attendance ay pumalo lang sa 130. Kapos ito sa minimum requirement na 145 o higit kalahati ng 285 na kabuuang bilang ng mga Kongresista. Dahil dito ay tinapos na lang ang sesyon. Dalawa sa tatlong sessions nitong nakalipas na linggo ay hindi nagkaroon ng quorum. Sa lahat ng tatlong session naman noong naunang linggo, walang ring quorum.

Kamakailan, mainit na pinag-uusapan ang pagkawala ng mga quorum sa Kongreso kaya ang mga itinuturing “priority” o “urgent” bills kagaya ng Reproductive Health Bill ay ‘di pa rin umuusad. Sa darating na Lunes na uli magbubukas ang sesyon para sa mga nakabimbing panukalang batas.

Sa isang bihirang one-on-one interview ni Mareng Winnie kay House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte, Jr., ipinaliwanag ng lider ng Kamara na kanya nang ipinatawag ang lahat ng mga mambabatas sa susunod na lingo para matapos ang kanilang mga gawain bago ang Christmas break. Inilahad din niya kung sino ang mga kinakapos sa pagdalo sa mga sesyon.

Aprubado ba ng taumbayan ang performance ng Kongreso? Kung sa eskwelahan napakahalaga ng attendance sa mga estudyante, bakit tila binabalewala ito ng ating public servants? Saan napupunta ang pera ng taumbayan? Pumasyal sa Kamara kasama ni Professor Winnie Monsod sa bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie ngayong Lunes, 10 PM sa GMA News TV Channel 11.

Show comments