Jerusalem naging inspirasyon ang ina
MANILA, Philippines — Bukod sa kanyang mga kababayan ay naging inspirasyon din ni Filipino world boxing champion Melvi Jerusalem ang kanyang inang si Miraluna.
Personal na pinanood ng kanyang nanay ang unanimous decision win ni Jerusalem kontra kay Mexican mandatory challenger Luis Angel Castillo kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City College Gymnasium.
Napanatilng suot ng 30-anyos na si Jerusalem (23-3-0, 12 KOs) ang kanyang World Boxing Council (WBC) minimumweight crown.
“Sobrang pasalamat po talaga sa lahat ng sumusuporta po lalo na ang gumawa nito na Blow by Blow dahil pangarap ko talaga na makalaban dito,” sabi ni Jerusalem.
Nalasap naman ng 27-anyos na si Castillo (21-1-1, 13 KOs) ang una niyang kabiguan.
Kaagad pinatumba ng tubong Manolo Fortich, Bukidnon ang Mexican fighter mula sa isang matulis na right straight sa unang 25 segundo ng first round.
At mula rito ay ilang beses sumilip ng pagkakataon si Jerusalem para mapatulog si Castillo.
“Hindi ko minadali ‘yung laban. Matibay e.h Hindi puwedeng magkumpiyansa,” sabi ni Jerusalem na isa sa dalawang tanging Pinoy reigning world champions bukod kay Pedro Taduran na may suot ng International Boxing Federation (IBF) minimumweight title.
Sa pagtatapos ng laban ay humakot si Jerusalem ng mga iskor na 118-109, 120-107 at 120-107 mula sa tatlong judges.
Isang unification championship fight ang pinaplano ng kampo ni Jerusalem sa susunod na taon.
- Latest