EDITORYAL - Kailan may mananagot?
NAARESTO pero nakalaya agad matapos mag-bail si dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) executive director Lloyd Christopher Lao sa Davao City noong Miyerkules. Naaresto siya ng CIDG sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Sandiganbayan First Division. Nagpiyansa siya ng P90,000 para sa pansamantalang paglaya.
Nagpiyansa rin ang kapwa akusado ni Lao na si dating Health Sec. Francisco Duque III noong Setyembre 4. Sabi ni Duque, handa na niyang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Sina Duque at Lao ay sinampahan ng kaso ng Office of the Ombudsman noong Agosto kaugnay sa paglilipat sa DOH ng P47.6 bilyong pondo para sa COVID-19 noong 2020. Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, nilabag nina Duque at Lao ang Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Noong nakaraang Hunyo, sinabi ni Duque na may basbas umano ni dating President Duterte ang paglilipat ng COVID funds sa DOH mula sa PS-DBM. Ayon naman kay Duterte wala raw siyang matandaan na sinabi niya iyon.
Noong Mayo pa ng kasalukuyang taon, ipinag-utos ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaso kina Duque at Lao. Ayon kay Martires, dahil hindi na maaring ipataw pa ang dismissal kina Duque at Lao, ang kaparusahan na maaring ipataw sa mga ito ay katumbas ng kanilang suweldo ng isang taon na kailangang bayaran sa tanggapan ng Ombudsman. Ang desisyon ay nilagdaan noong Mayo 8, 2024.
Matatandaan na noong Agosto 2023, ipinag-utos na ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa puwesto at pagsasampa ng kaso laban kay Lao at Overall Deputy Ombudsman Warren Lex Liong dahil sa maanomalyang pagbili ng bilyong pisong halaga ng medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corp. noong 2020.
Napatunayan ng Ombudsman na dapat sampahan ng kaso sina Lao at Liong at iba pang opisyal at empleyado ng PS-DBM. Binatikos naman kung bakit hindi kasama sa kinasuhan si dating presidential adviser Michael Yang, associate nito na si Lin Wei Xiong at Rose Lin. Si Yang ay presidential adviser ni ex-President Duterte.
Ang Pharmally officials na kinasuhan ng Ombudsman ay sina President Twinkle Dargani, treasurer and secretary Mohit Dargani, directors Linconn Ong at Justine Garado at board member Huang Tzu Yen. Ang Pharmally Pharmaceutical Co. ang nakakuha ng kontrata para mag-supply ng equipment sa kabila na ang capital nito ay P600,000 lamang.
Kailan may mananagot sa kasong ito na ang nilustay ay pera ng taumbayan? Harap-harapang pagnanakaw. Ginawa ang anomalya habang ang mamamayan ay sinasakmal ng COVID at marami ang walang makain.
- Latest