Ilang daliri pa ang mawawala?
Hindi ako nanininiwalang walang intensiyong manakit ang mga miyembro ng China Coast Guard gaya ng sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Commodore Jay Tarriela noong Sabado sa isang news forum.
Sa aksiyon ng CCG na ipitin ang resupply boat ng Pilipinas, maliwanag na gusto nilang manakit. Ang pag-ipit sa resupply boat ay indikasyon na gusto nilang saktan ang mga sundalong Pilipino. Inaakala nila na kapag nasaktan ang mga sundalong Pinoy, mapipikon, gaganti, at yun ang kanilang hinihintay para magkagulo.
Pero hindi umalma ang mga sundalong Pinoy kahit pa nga may naputulan ng daliri. Gaano kasakit ang maputulan ng daliri dahil sa ginawang pagbangga ng CCG sa resupply boat ng Pilipinas. Yan ba ang walang intensiyong manakit?
Kitang-kita naman sa mga lumabas na video kung paano kinuyog ng mga miyembro ng CCG ang mga sundalong Pinoy na maghahatid ng supply sa BRP Sierra Madre. Nakita rin kung paano kinalawit ang backpack at iba pang gamit na nasa rubber boat ng mga Pinoy. Kitang-kita rin kung paano sinaksak ng CCG ang rubber boat. ‘Yan ba ang walang intensiyon na manakit?
At sa tuwing magkakaroon ng komprontasyon ang CCG at PCG, ang lagi nang sinasabi ng China, ang Pilipinas ang nagsimula ng gulo. Pumasok daw sa kanilang teritoryo ang Philippine vessel para magdala ng construction materials sa nakahimpil na BRP Sierra Madre. Pero wala naman silang nakitang construction materials at sa halip ay food supplies na tinapon pa nga nila sa dagat.
Gusto nilang masaktan ang mga sundalong Pinoy para mapikon at gumanti. Kapag nagtagumpay sila sa taktika, tiyak nang magkakagulo. Kaya asahan pa ang mga susunod na panggigipit ng CCG sa mga sundalong Pinoy sa mga susunod pang resupply mission.
Ang tanong, ilang daliri pa ang mapuputol bago kumilos ang pamahalaan laban sa ginagawa ng China? Mahapdi na ang nangyayari. Bakit hindi pa patalsikin ang ambassador ng China para malaman na nasasaktan na tayo sa ginagawa nilang panggigipit.
- Latest