Pirates, Chiefs agawan sa panalo

MANILA, Philippines — Muling isasangkalan ng Lyceum of the Philippines University sina Renz Villegas at Mac Guadaña para masikwat ang panalo kontra tigasing Arellano University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na lalaruin sa Playtime FilOil sa San Juan, ngayong araw.
Magsisimula ang laban sa alas-5 ng hapon kung saan pareho ang pakay ng Pirates at Cheifs ito’y ang kumadena ng panalo upang mapaganda lalo ang kanilang karta.
Maganda ang ipinakitang laro ng Intramuros-based squad sa huli nilang laban kontra San Sebastian College-Recoletos kung saan ay si Villegas ang kumana ng game-winning jumper para ilista ng Pirates ang 3-5 karta.
“Credits sa coaches do’n sa play. Parang nagbreakdown lang ‘yong defense, ‘di para sa’kin ‘yong play,” pag-amin ni Villegas. “Buti narecognize ng teammates ko, wala ng oras kaya nagtiwala lang ako, wala ng oras, e.”
Bukod kina Villegas at Guadaña, makakatuwang nila sa puntusan si Jonathan Daileg para ipantapat sa mga tirador ng Chiefs na kasalukuyang naka-upo sa pangalawang puwesto sa Group B ng team standings pasan ang 5-3 record.
Huhugot din ng lakas ang Chiefs kina T-Mc Ongotan, AG Borromeo at King Maverick Vinoya.
- Latest


















