Alas Women Vietnam agad katapat sa SEA V Cup Week 1

MANILA, Philippines — Kaagad makakatapat ng Alas Pilipinas ang host Vietnam sa pagsisimula ng Week 1 ng 6th Southeast Asia (SEA) V Cup Women’s Volleyball sa Biyernes sa Hanoi.
Matapos ang mga Vietnamese ay sunod na lalabanan ng mga Pinay spikers ang Thailand sa Sabado at ang Indonesia sa Linggo.
Ang nasabing torneo ay bahagi ng preparasyon ng Alas Women para sa mas mabigat na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Wala pang inihahayag na final lineup si Japanese coach Taka Minowa para sa kanyang isasalang sa Week 1 ng SEA V Cup.
Ilang linggo nang nagsasanay ang national training pool na pinamumunuan nina team captain Jia De Guzman, Eya Laure, Bella Belen, Vanie Gandler, Erika Santos, Alyssa Solomon, Thea Gagate at Dawn Macandili.
Kasama rin sa grupo sina collegiate stars Angel Canino at Amie Provido ng De La Salle University at veterans Fifi Sharma, Mars Alba, Jen Nierva, Dell Palomata, Jasmine Jazareno at PVL rookie setter Lams Lamina.
Ang iba pang nasa national training pool ay sina Dell Palomata, Nina Ytang at National University standouts Arah Panique, Shaira Jardio, Celine Marsh at Vange Alinsug.
Matapos ang SEA V Cup Week 1 sa Vietnam ay sasalang ang Alas Women sa SEA V Cup Week 2 sa Chiang Mai, Thailand sa Agosto 7 hanggang 9 bago lumaro sa 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya.
- Latest

















