Nuggets tinapos ang ratsada ng Hawks
DENVER — Humakot si Nikola Jokic ng triple-double na 23 points, 17 rebounds at 15 assists sa paggabay sa Nuggets sa 139-120 pagdakma kay Trae Young at sa Atlanta Hawks.
Inilista ni Jokic ang kanyang ika-144 career triple-double sa third quarter para sa ikatlong sunod na ratsada ng Denver (19-13) na nakahugot kay Jamal Murray ng 21 points.
Nag-ambag si Russell Westbrook ng 16 markers at 11 assists.
Kumonekta rin ang home team ng perpektong 21-of-21 shooting sa free throw line at naglista ng season-high 44 assists para muling talunin ang Atlanta (18-16) sa ikalawa nilang paghaharap ngayong season.
Tumapos si Young na may 30 points at 9 assists habang may 20 markers si reserve De’Andre Hunter para sa Hawks na natapos ang four-game winning streak.
Sa New York, nagkadena si Karl-Anthony Towns ng 31 points at 21 rebounds, may triple-doble na 15 points, 14 rebounds at 12 assists si Josh Hart sa 119-103 panalo ng Knicks (24-10) sa Utah Jazz (7-25).
Sa Toronto, tumipa si Scottie Barnes ng 33 points at 13 rebounds para tulungan ang Raptors (8-26) sa 130-113 paggupo sa Brooklyn Nets (12-21).
Sa Houston, kumamada si Alperen Sengun ng 23 points habang may 22 markers si Fil-Am Jalen Green sa 110-99 pagpapasabog ng Rockets (22-11) sa Dallas Mavericks (20-14).
Sa Sacramento, umiskor si De’Aaron Fox ng 35 points para pamunuan ang Kings (15-19) sa 113-107 pagpapatumba sa Philadelphia 76ers (13-18).
- Latest