Kampanya ng Pinoy cue artists sa 2024 Tagumpay
MANILA, Philippines — Makulay ang taong 2024 para sa Philippine Billiards ito’y matapos mag bigay ng karangalan ang mga Pinoy cue artists sa international competitions na sina Carlo “Black Tiger” Biado, Rubilen “Bingkay” Amit, Johann “Bubwit” Chua, at pool legend Efren “The Magician” Reyes.
Tinumbok ng 43-anyos na si Amit ang pangatlong world title matapos magkampeon sa 29th World Pool-Billiard Association (WPA) World Women’s 9-Ball Championship na nilaro sa Hamilton, New Zealand noong Setyembre.
Umukit ng history si Amit bilang three-time world champion ng sarguhin nito ang 3-1 panalo kontra kay 2017 titlist Chen Siming ng China para maging unang Pinay na kumopo ng pandaigdigang korona sa 9-ball.
Dalawang beses naging world champion si Amit sa WPA 10-Ball Championship, una noong 2009 at pangalawa noong 2013.
Nagkampeon naman ang 32-anyos na si Chua sa 2024 Mansion Sports Hà Noi Open Pool Championship na ginanap noong Oktubre 13 sa My Ðình Indoor Athletics Palace sa Hanoi, Vietnam.
Kinaldag ni Chua sa race-to-13 finals si Ko Pin Yi ng Chinese Taipei, 13-7 para ibulsa ang $30,000 (P1.7 milyon) premyo.
Makalipas ng dalawang araw ay inakbayan nina Chua at world champion Biado ang Team Asia na pinamumunuan ni non-playing captain Reyes sa naganap na “Reyes Cup” sa Ninoy Aquino National Stadium sa Maynila.
Sa kaagahan ng taon ay kuminang ang 41-anyos na si Biado nang pangunahan nito ang Team Philippines sa pagsilo ng titulo sa 2024 CPBA 9-Ball Teams Invitational tournament sa New Taipei City, Taiwan noong Mayo.
Nakasama ni Biado sina Chua, James Arañas, Jeffrey Ignacio at Bernie Regalario para payukuin ang mga pambato ng Chinese Taipei na sina Ko Ping Chung, Chang Jung Lin, Chang Yu Lung at Wu Kun Lin at Ko Pin Yi.
Samantala, bago matapos ang 2024 ay natupad ang pangarap ni Jefrey Roda na maging kampeon ng manalo ito sa 3rd Universal Chinese-Taipei Open na ginanap sa Taipei, Taiwan nitong Disyembre.
- Latest