Si Digong at ang mga abusadong bigtime mining firms

BUKOD sa paglaban o pagtumba sa mga operators ng illegal drugs sa Philippines my Philippines, ikinatuwa rin ng madlang Pinoy ang mga banat ni incoming President Digong Duterte sa pagputol sa mining operation ng mga abusadong may-ari ng malalaking mining firms na grabeng sumisira sa kapaligiran at parang ayaw na nilang tigilan ang pagkuha nang likas na yaman sa atin country.

Ang problema noong mga nagdaan gobierno kinunsinte ang mga abusadong big mining companies dahil ang iba sa mga may-ari nito ay mga kaalyado nila at nagsilbing ‘attack dog’ para kagatin ang kalaban o mga lumalaban sa kanila.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, dahil sa ganitong mga istilo gusto ng mga abusadong may-ari ng malalaking minahan na huwag ng tumigil sa kanilang operasyon.

Ika nga, lifetime!

Sa abroad may lason este mali limitasyon pala ang operasyon ng mining firms doon.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, kaya kung maka-asta ang mga kamoteng abusadong may-ari ng minahan parang nabili nila ang likas na yaman sa Philippines my Philippines kaya ayaw ng tumigil ng mga lagapot.

‘Totoong nagbabayad sila ng kung anu-anong klaseng buwis pero hindi naman tama na lifetime nilang bababuyin ang kalikasan, ang likas na yaman at siempre ang madlang katutubong taga - rito na wala naman nakukuhang benepisyo mula sa minahan.’ sabi ng kuwagong mata pobre.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, pinitik na ni Digong ang operasyon ng malalaking kampana este mali kompanya pala sa Kamindanawan partikular sa Surigao del Norte pero hindi pa nito pinangangalanan ang ‘attack dog’ na yumaman ng husto dahil sa pagmimina.

‘Kaya naman naniniwala ang madlang Pinoy sa posisyon ni Duterte na isara ang mga abusadong malalaking minahan tungo sa tunay na pagbabago sa Philippines my Philippines at iyong mga nakasuhan o sumalaula sa mining act huwag na rin bigyan ng permiso o ikansela na ito !’ sabi ng kuwagong SPO - 10 sa Crame.

Abangan.

• • • • • •

Iwasan magkasakit - mahal ang gamot

DAHIL malapit na ang tag-ulan sa Philippines my Philippines kailangan mag-ingat ang madlang pinoy, mahirap ang magkasakit sa mga panahon ngayon dahil may mahal ang mga gamot sa mga botika.

Tiyak mauuso ang mga sakit kapat tag-ulan tulad ng dengue, kleptomaniac este mali leptospirosis pala, trangkaso at diarrhea.

Sabi nga, mag-ingat sa sakit na dengue delikado ito kung babalewalain kaya magpa-tingin sa doktor dahil nakakamatay ang sakit na ito kung hindi maaakap este mali maaagapan pala. Walang pinipili ang sakit na dengue mapa-bata o matanda, bakla o tomboy, may buhok o kalbo, may ngipin o bungal, may anghit o wala ang importante maging malinis sa inyong katawan at kapaligiran.

Ang sakit na trangkaso, isa sa mga sakit na nakakahawa kaya kailangan tumakbo sa doktor para bigyan kayo ng bakuna o gamot.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, mag-ingat sa paglakad-lakad sa matubig na lugar o baha dahil kung patanga-tanga ka puede kang mahulog sa imburnal. Hehehe!

Ika nga, iwasan maglakad sa baha. Hugasan at sabunin mabuti ang mga paa. Ingatan magkasugat sa paa at baka magka - leptospirosis. Oras na nagkaroon ng sakit na ito takbo sa doktor para sa isang konsultasyon dahil sila lang ang nakakaalam ng gamot na makagaling ng sakit ninyo.

Ingat din sa diarrhea, nakukuha ito sa pag-inom ng maruming tubig at pagkain. Ang mainam takbo agad sa doktor para mabigyan ng gamot.

Sabi nga, call a doctor very quick!

31st Death Anniversary ni Felicisimo Manumbale Garing

Ginugunita ngayon araw ang ika 31-taon ng kamatayan ng dating Mayor ng Naujan, Oriental Mindoro na si Felicisimo Manumbale Garing, ang butihing ama ni Atty. Biyong Garing. 

Mayroon misang gaganapin ngayon para sa dating alkalde sa Sa San Roque Church, Barangay Barangka Ilaya, Mandaluyong City sa ganap na ala 7:00 ng umaga at ala 6:00 ng hapon. 

Inaanyayahan ni Atty. Biyong ang lahat ng mga kamag-anak at mga kaibigan na mag-alay ng panalangin para sa kanyang erpat.

Taus pusong nagpapasalamat ang pamilya ni Atty. Biyong sa lahat ng nag-alay ng dasal sa kanyang erpat.

Show comments