‘Lady Mae… trese anyos’ (unang bahagi)

YOU think you own whatever land you land on. The earth is just a dead thing you can claim… but I know every rock and tree and creature… has a life, has a spirit, has a name.

Mga titik sa kantang itinampok sa isang pelikulang pambata na may titulong ‘Pocahontas’. Ito ang huling kanta (pamamaalam?) na inawit ng isang 13 taong gulang na batang babae bago gumuho ang lahat sa buhay niya.

Isang Espiritista (naniniwala ba kayo sa kanila?) ang nagkuwento kay ‘Rose’ kung paano umano brutal na pinatay ang pamangkin.

“Isang gabi…habang natutulog si Maymay pinasok siya ng isang tomboy sa kuwarto… minolestiya siya. Naaktuhan ito ng kinakasama ng tomboy na titser. Sa sobrang galit ng guro sinaksak niya ang bata subalit hindi ito napuruhan.

Nanlaban si Maymay… nanakbo siya. Sinaksak si Maymay sa magkabilang hita para di makalayo. Nanlilisik ang mata ng guro sa  galit habang sinasaksak ang bata. Hindi siya tumigil. Nang hindi mapuruhan isang lalaki naman ang sumaksak sa dibdib nito…dito na namatay si Maymay!”

Nakakakilabot na kuwento umano ng espiritista ng kaluluwang nilapitan ni ‘Rose’ para tukuyin kung paano pinatay ang 13 anyos na pamangkin na si Lady Mae Maldepeña o ‘Maymay’.

Ang Rose na tinutukoy ay si Rosalinda Maldepeña, 47 taong gulang. Isang kasambahay sa Tandang Sora, Quezon City.

Kahit saan magpunta si Rose bitbit niya ang mga larawan ng pamangkin na si ‘Maymay’. Natagpuan na tadtad ng saksak sa katawan ni Maymay sa Poblacion Babanlagan, Talisayan, Misamis Oriental. Nakitaan ng punit ang kanyang ari.

Bawat pari at madreng makasalubong ni Rose nilalapitan niya’t hinihingian ng panalangin para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng pamangkin. Nung minsan, nakasabay niya ang madreng nakilala niya sa pangalang ‘Sister Elvie’.

 Inabot niya ang mga larawan ni Maymay. Taimtim na pinagdasal ni Sister Elvie si Maymay maliban dito pinayuhan daw siya ng madre na pumunta sa aming tanggapan. “Pumunta ka sa CALVENTO FILES ihingi mo ng tulong ang pagkamatay ng pamangkin mo,” ani Sister.

Ika-18 ng Marso 2011, nagsadya sa amin si Rose bitbit ang ilang dokumentong may kinalaman sa kaso. Pati na rin ang kalunos-lunos na mga litrato.

Nagtagpuan ang katawan ni Maymay sa loob ng bakuran ng elementary teacher ng Barrio Mapua Misamis Oriental Elementary School na si Elsa Calipes kung saan nagbo-board ang bata.

Wala ng saplot pang-itaas, tanging puting ‘panty’ na lang at ‘shorts’ ang suot ng siya’y matagpuan. Labas ang bituka, tadtad ng saksak sa katawan at tapyas ang utong ng bata. Malayo ito sa larawang pinakita sa amin ni Rose nung nabubuhay pa ang pamangkin.

 Magandang bata si Maymay. Mala-kristal ang balat, kulot at itim ang buhok, matangkad at masasabing sa edad na 13 anyos maganda na ang hubog ng kanyang katawan.

Galing si Maymay sa isang mahirap na pamilya sa Barrio Mapua. Ang ama niyang si Benjamin o “Ben” ay isang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) kung saan kumikita lang siya ng Php2, 500 kada buwan.

Kagawad naman ng baranggay at may munting sari-sari store malapit sa Barrio Mapua Elementary School ang ina niyang si Eldiponsa o “Eldi”. Sa eskwelahang ito rin nag-elementarya si Maymay.

Isa sa naging malapit kay Maymay ang Grade II teacher nito na si Elsa. Dumating sa puntong tuwing araw ng Biyernes sinasama nito si Maymay pauwi sa Cagayan. Lunes na ang balik nila.

“Parang anak na ang turing niya kay Maymay. Kaya tiwala rin ang kapatid ko,” pahayag ni Rose.

Si Maymay ay taga turo ng sayaw sa mga lower grades at assistant ng mga guro. Pagka-graduate ni Maymay sa elementarya kumuha siya ng ‘scholarship test’ sa isang Catholic School. Ang St. Mary’s Academy sa Talisayan Misamis Oriental. Nakapasa si Maymay.

Maliban sa pagiging scholar, siya ay magaling sumayaw, kumakanta at mahilig siya sa ‘sports’. Isang ‘track and field runner’ siya.

Sa unang taon ni Maymay hatid sundo siya ng kapatid na lalaki. Sakay ng habal-habal na motor binabaybay nila ang pitong kilometrong daan mula Baryo Mapua at Baryo Babanlagan.

Kundi sumisemplang madalas mapaso ng tambutso si Maymay dahil mabato at mabundok ang kanilang dinadaanan.

Dito na nagdesisyon si Eldi na itira ang anak sa bahay ni Elsa sa Babanlabagan, Talisayan. Nakiusap siya sa guro na mag-board run si Maymay dahil malapit lang ito sa St. Mary’s. Halagang Php1,000 ang napagkasunduan nilang bayad sa kuwartong tutuluyan ni Maymay.

Kasama raw ni Maymay sa bahay ang ‘live-in partner’ umano ni Elsa na si Liza Ladaran, dating ‘clerk’ sa Gaisano Mall.

Ika-11 ng Hunyo 2008, unang araw ng klase ng tumuloy si Maymay sa bahay ng guro.

Tuwing bababa ng bayan si Eldi upang mamakyaw ng mga ititinda sa kanyang sari-sari store binibisita niya ang anak. Nangyayari ito dalawa hangang tatlong beses sa isang linggo. Tuwing Biyernes umuuwi si Maymay sa Mapua at Linggo na ng hapon ang balik niya sa bayan.

Ika-30 ng Hunyo 2008…araw ng Linggo… nagtipon ang mag-anak ng Maldepeña. Ika-82 kaarawan nun ng kanilang inang si Oldarica. Ito ang huling araw na nakasama ni Rose ang pamangkin.

Masaya pa nun si Maymay. Nag-alay pa ito ng isang kanta. Ang ‘Colors of the Wind’.  Hindi nila akalaing huling beses na nilang maririnig ang tinig ni Maymay. Ayon kay Rose, parehong araw nakuwento sa kanya ni Eldi na kinausap ni Maymay ang ina at sinabing, “Ma, matutulog ako sa atin… tabi tayo Ma,”.

Inakala ni Eldi na naglalambing lang si Maymay kaya’t binalewala niya ito at sumagot na, “Tumigil ka nga Maymay. Ang laki-laki mo na nag-iinarte ka pa. May klase ka sa Lunes.”

Muling bumaba ng bayan si Maymay. Makalipas ang apat na araw… Hulyo 4, 2008, bandang alas 7:00 ng umaga. Bigla na lang pinuntahan ng guro si Eldi.

“Eldi… nawawala si Maymay!” nakakagulat na pahayag ni Elsa.

Saan nagpunta si Maymay? Magdamag na hindi umuwi ang 13 anyos na dalagitang ito?     

ABANGAN ang kasagutan sa mga katanungang ito at iba pang mga detalye sa BIYERNES. EKSKLUSIBO sa CALVENTO FILES dito lang sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166(Chen), 09213784392(Pauline), 09198972854(Monique). Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Address:  5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas kami Lunes-Biyernes.

 

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

 

Show comments