Prisoner swap program itinulak para sa mga Pinoy na nakakulong abroad
MANILA, Philippines — Hinikayat ni House Minority Leader Marcelino Libanan ang pamahalaan na magtatag ng bagong International Prisoner Transfer Program na kahalintulad sa Estados Unidos na naglalayong mailipat sa Pilipinas ang mga nakakulong na Pinoy na nahatulan sa iba’t-ibang kaso sa ibang bansa.
Ayon kay Libanan, sa pamamagitan nito ay mapapalapit sa kanilang mga pamilya ang mga na-convict na mga Pinoy para sa kanilang rehabilitasyon.
Partikular na kinalampag ni Libanan ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ) at Department of Migrant Workers (DMW) para maisakatuparan sa bansa ang bagong programa.
“We need a program that will facilitate the transfer of Filipinos convicted of crimes and incarcerated in other countries, so that they can serve the remainder of their sentences here at home, closer to their families,” paliwanag ni Libanan.
“In the United States, their international prisoner transfer program is administered by their Department of Justice’s International Prisoner Transfer Unit, while their Department of State, which is equivalent to our DFA, is the chief negotiator of all prisoner transfer treaties,” anang solon.
Sa tala ng Department of Migrant Workers, nasa 1,254 mga Filipino ang nahatulan sa mga bansa sa Asia-Pacific, Europe at Middle East kaugnay ng mga kasong kriminal.
- Latest