Tigers tumiyak ng playoff

MANILA, Philippines — Nakasiguro ng playoff para sa No. 4 seed ang University of Sto. Tomas  matapos nilang kalmutin ang Adamson University, 76-63 sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na nilaro sa  Mall of Asia Arena kagabi.

Dahil sa panalo, nirehistro ng Growling Tigers ang 8-6 karta kaya nanatili ang kanilang tsansa na umusad sa susunod na phase at makasilo ng korona nga­yong season.

Magkasalo sa pangat­long puwesto sa team standings ang defending champion De La Salle University at Far Eastern University na may tig-8-5 baraha.

Magkatapat ang Green Archers at Tamaraws sa huli nilang laro kung saan ang matatalo ay makakalaban ng Growling Tigers sa playoff.

Manipis na isang pun­tos ang lamang ng Adamson sa first canto, 16-15 pero bahagyang bumalik sila sa second quarter upang uma­lagwa sa apat na puntos, 36-32 ang kanilang bentahe sa halftime.

Biglang nanagpang ang Growling Tigers sa third canto para agawin ang bentahe at makapundar ng malaking lamang, 63-48 papasok ng fourth quarter.

Bahagyang naibaba ng Adamson sa siyam na puntos ang hinahabol, 54-65 may 7:36 minuto pa sa payoff period.

Subalit muling lumayo ang UST, 69-55 sa tulong ni Collins Akowe may 5:05 minuto na lang sa orasan.

Hindi na makahabol ang Adamson sa fourth kaya naman tuluyan na silang namaalam sa liga.

Samantala, tinapos ng Ateneo de Manila University ang kanilang kam­panya na bitbit ang panalo sa kanilang huling laro  ngayong season matapos payukuin ang University of the East, 86-81.

Kinalsuhan ng Blue Eagles ang kanilang four-game losing streak upang ilista ang 6-8 baraha.

Show comments