Blue Eagles dumalawa sa Bulldogs
MANILA, Philippines — Nagsanib-puwersa sa crunch time sina Jared Bahay at Kieffer Alas upang bitbitin ang Ateneo de Manila University sa 69-65 panalo laban sa National University sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi nasira ang loob ni Bahay matapos magmintis sa ng walong sunod na tira nang magsalpak ng magkasunod na tres para sa 65-62 abante ng Blue Eagles sa huling 1:19 minuto ng fourth quarter mula sa 59-62 paghahabol sa Bulldogs.
Ang panelyong tres ni Alas ang naglayo sa Ateneo sa 68-62 sa huling 35.8 segundo para tuluyang masilo ang panalo laban sa NU.
Dahil sa panalo ay nawalis ng Blue Eagles ang Bulldogs sa elimination round matapos ang 87-76 panalo sa first round.
“We call it as an important shot but I guess for me it’s not that important kasi at the end of the day, kailangan din naman maglaro mula first quarter. In the fourth quarter, we couldn’t find our rhythm but we just trusted our shots,” ani Bahay na tumapos na may 16 points, tatlong rebounds at dalawang steals.
Lumakas ang tsansa ng Ateneo na makabalik sa Final Four matapos ang dalawang taon sa pagsosyo sa defending champion De La Salle University sa ikatlong puwesto tangan ang magkaparehong 5-4 record.
Magtutuos ang magkaribal sa Sabado.
Pinangunahan ni Alas ang opensa para sa Blue Eagles sa inirehistro niyang 18 markers, limang boards, tatlong assists at tatlong steals.
- Latest

















