San Miguel, Ginebra maglalasingan sa Game 1
MANILA, Philippines — Sisimulan ng mag-utol na San Miguel at Barangay Ginebra ang kanilang lasingan sa crossover quarterfinal round ng Season 50 PBA Governors’ Cup.
Magtatagayan ang Beermen at Gin Kings ngayong alas-7:30 ng gabi, habang magkikita ang Rain or Shine Elasto Painters at Converge FiberXers sa alas-5:15 ng hapon sa Game One ng kani-kanilang best-of-five quarterfinals series sa Smart Araneta Coliseum.
Nakauna na ang NLEX at nagdedepensang TNT Tropang 5G matapos talunin ang Phoenix, 97-92, at Magnolia, 92-70, ayon sa pagkakasunod.
Ang San Miguel ang No. 2 team sa Group A, habang ang Ginebra ang No. 3 sa Group B.
Magsusukatan ng lakas sina imports George King ng Beermen at Jordan Murphy ng Gin Kings.
Si King, dating naglaro para sa Blackwater, ang leading scorer ng torneo sa kanyang 33.7 points per game para sa SMB.
Humakot naman si Murphy, pumalit kay Riley Grisby, ng mga averages na 25.3 points at 11.0 rebounds para ipasok ang Ginebra sa quarterfinals.
“We had to work our way back and still made the playoffs as the third seed. It didn’t look that way early on, and we had to scratch and claw our way back,” sabi ni coach Tim Cone sa kanyang Gin Kings. “For that, I’m proud and pleased with our guys.”
Aasahan din ni Cone sina Scottie Thompson, Japeth Aguilar, RJ Abarrientos, Troy Rosario at Stephen Holt.
Sina King, June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter at Don Trollano ang itatapat ng Beermen.
- Latest


















