Mister pinatay sa bugbog ng 2 estudyante

MANILA, Philippines — Dahil umano sa masamang tingin, patay ang isang mister habang sugatan ang kasama nito makaraang mapagtripang bugbugin ng dalawang estudyante sa San Francisco, Agusan del Sur, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Agusan del Sur Provincial Police Office (PPO), ang nasawing mister ay isang 46-anyos habang ang sugatan ay 22-anyos na lalaki.
Sa imbestigasyon, nakasalubong ng mga suspect ang mga biktima sa Poblacion ng nasabing bayan at napatingin ang isa sa dalawang estudyante.
Ayon sa ilang testigo, marahil ay minasama ng dalawang estudyante na umano’y kapwa na sa impluwensya ng alak ang masamang tingin ng isa sa mga biktima kaya pinagtulungan nilang gulpihin.
Matapos na pagbubugbugin ang mga biktima, mabilis na nagsitakas ang mga suspek na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa lugar.
Nagawa pang isugod dalawang biktima sa pagamutan, pero idineklara nang dead-on-arrival ang 46-anyos na mister.
Sa follow-up operation, nasakote ang dalawang estudyante na 23 anyos at 25-anyos. Nahaharap ang dalawang suspek sa mga kasong homicide at serious physical injury.
- Latest


















