Eala walang first-round bye sa Wuhan

MANILA, Philippines — Isa si Alex Eala sa mga seeded players sa Wuhan Open na nakatakdang umarangkada sa Oktubre 12 hanggang 18 sa Wuhan, China.
Inaasahang hahawakan nito ang No. 13 seed sa naturang WTA 1000 event.
Ngunit hindi tulad ng dati kung saan nakasisiguro agad si Eala ng tiket sa second round dahil seeded ito, hindi mabibiyayaan ang Pinay netter ng opening-round bye.
Kaya naman kailangan nitong bumanat agad sa first round upang makapasok sa second round ng torneo.
Tanging 56 players lamang ang nasa main draw sa Wuhan Open kumpara sa ibang mga WTA 1000 events kung saan may 96 players sa listahan.
Kapag 96 ang players, awtomatikong may first-round bye ang mga Top 32 seed na players.
Kung 56 players lamang, tanging ang Top 8 seeded players ang mabibigyan ng opening round bye.
Ilang key players ang wala sa Wuhan Open kabilang na sina world No. 1 Elena Rybakina, 2025 champion Coco Gauff, No. 11 Amanda Anisimova at No. 17 Naomi Osaka.
Ngunit nariyan pa rin sina world No. 2 Aryna Sabalenka, No. 3 Jessica Pegula, No. 5 Mirra Andreeva, No. 6 Linda Noskova, No. 7 Elina Svitolina, No. 8 Karolina Muchova, No. 9 Iga Swiatek at No. 10 Marta Kostyuk.
Pakay ni Eala na makaresbak sa edisyong ito ng Wuhan Open matapos mabigong makapasok sa main draw noong nakaraang taon.
Mababa pa ang ranking ni Eala sa WTA noong 2025 kaya’t kinailangan nitong dumaan sa qualifying round.
Ngunit hindi ito pinalad na makapasok sa main draw matapos lumasap ng kabiguan sa kamay ni Japanese netter Moyuka Uchijima, 4-6, 6-3, 2-6.
- Latest

















