Capital1, Choco Mucho upakan sa Cebu

MANILA, Philippines — Ipaparada ng Capital1 Solar Energy ang kanilang ‘Big Three’ sa pagharap sa Choco Mucho sa paghataw ng 2026 Premier Volley (PVL) three-leg All-Filipino Conference ngayon sa SM Seaside Cebu Arena.
Pamumunuan nina Bella Belen, Vanie Gandler at Erika Santos ang Solar Spikers sa pagharap kina Eya Laure at Sisi Rondina sa Flying Titans sa ala-1 ng hapon, habang magtutuos ang Creamline Cool Smashers at Akari Chargers sa alas-6 ng gabi sa Siklab leg.
Ang three-leg All-Filipino Conference ay tinatampukan ng Siklab, Sigla at Sinag series kung saan ang bawat leg ay may sariling champion at ang standings points mula sa unang dalawang serye ay magiging mahalaga para sa Philippine Grand Championship.
Isa ang Capital1 sa magiging top team sa Siklab leg sa pagsasama nina Belen, Gandler at Santos bukod kay rookie libero Detdet Pepito at paghugot kina veteran setters Juju Coronel at Jaja Maraguinot.
Sina Gandler at Santos ang mga kamador ng Cignal Super Spikers na nag-leave of absence sa PVL noong Abril.
“Hindi naman porket nakakuha kami ng magagaling na players, parang given na magiging okay ang performance,” ani Belen. “Siyempre, kailangan pa rin naming makuha iyong chemistry, iyong connection ng bawat isa.”
Magbabalik naman sina Laure at Rondina sa Choco Mucho matapos maglaro sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan para sa Alas Pilipinas indoor at beach volleyball teams, ayon sa pagkakasunod.
“Siyempre, masaya na nakabalik na kami rito at maglalaro na kami for Choco Mucho,” ani Laure.
- Latest


















