Villar, nag-ober da bakod sa majority

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na pormal nang sumali si Sen. Mark Villar sa majority bloc matapos itong mahalal bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA) at chairperson ng Senate Committee on Public Works.
Sa sesyon ng Senado, inihain ni Zubiri ang mosyon upang palitan siya ni Villar bilang miyembro ng CA. Iminungkahi rin niyang italaga si Villar bilang pinuno ng Committee on Public Works kapalit ni Sen. Vicente Sotto III. Kapwa inaprubahan ng Senado ang mga mosyon.
Malugod namang tinanggap ni Sotto ang paglipat ni Villar, kasabay ng pagbanggit na marami pang mahahalagang trabahong kinakaharap ng Senado, kabilang ang impeachment trial, mga panukalang batas at pagtalakay sa pambansang badyet.
Sinabi naman ni Sen. Christopher “Bong” Go, na kabilang sa minorya, na iginagalang nila ang naging desisyon ni Villar. Tumanggi naman siyang magkomento kung magkakaroon ito ng epekto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kabilang na ngayon si Villar sa majority bloc kasama nina Senate President Sherwin Gatchalian, Zubiri, Sotto, Bam Aquino, JV Ejercito, Francis Escudero, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo at Joel Villanueva.
Samantala, nananatili sa minority bloc na pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano ang kapatid ni Villar na si Sen. Camille Villar, kasama ang iba pang senador kabilang sina Pia Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Jinggoy Estrada, Loren Legarda, Rodante Marcoleta, Imee Marcos at Robin Padilla.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Sen. Raffy Tulfo na posibleng may isa pang senador mula sa minority bloc na lilipat sa majority, ngunit tumanggi siyang pangalanan kung sino ito.
Una nang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na bukas ang majority bloc sa posibleng pagbabalik ni Sen. Loren Legarda, na kasalukuyang naka-extended medical leave mula pa noong Agosto.
- Latest
























