Mental Health, ‘di simpleng problema
Hindi lahat ng sugat ay nakikita. May mga Pilipinong araw-araw nakikipagsiksikan sa trapiko, kinakapos sa presyo ng pagkain at gasolina, baon sa trabaho, problema sa pamilya at pressure sa paaralan pero pag-uwi, ang sagot pa rin: “Okay lang ako.”
Hindi, hindi laging okay.
Ayon sa Philippine Mental Health Association, hindi na puwedeng ituring na simpleng personal na problema ang mental health. May kinalaman dito ang mundong ginagalawan natin sa kalsada, trabaho, paaralan at maging sa loob ng sariling bahay.
Mas nakakabahala ang mga numero. Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, 354 na pagkamatay dahil sa intentional self-harm ang naitala sa buong bansa sa unang quarter pa lamang ng 2026. Sa Metro Manila naman, 111 suicide at self-harm incidents ang naitala ng NCRPO mula Enero 1 hanggang Marso 23—mahigit tatlong beses kumpara sa 33 insidente sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Hindi ito simpleng numero. Bawat isa riyan ay may pangalan, pamilya, pangarap at kuwentong maaaring hindi natin nalaman.
Kaya tigilan na natin ang kulturang “magtiis ka lang.” Hindi lahat ng taong tahimik ay matatag. Minsan, ubos na ubos na sila pero wala silang masabihan.
At dito pumapasok ang kapabayaan ng lipunan. Kapag may nagsabing pagod na siya, huwag agad sabihing maarte. Kapag umiiyak, huwag kutyain. Kapag humihingi ng tulong, huwag sabihing kulang sa dasal o mahina ang loob.
Ang mental health ay hindi arte. Hindi ito uso. Hindi ito kahinaan.
Kailangan nating gawing normal ang paghingi ng tulong. Dapat may ligtas at abot-kayang lugar kung saan maaaring magsalita ang isang taong halos sumuko na nang walang panghuhusga.
Hindi sukatan ng tapang ang pagtitiis hanggang maubos. Minsan, ang pinakamatapang na hakbang ay ang pagsabi ng: “Hindi ko na kaya. Kailangan ko ng tulong.”
At kapag may nagsabi niyan, makinig tayo. Huwag natin siyang hayaang mag-isa.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon lamang batay sa mga impormasyong ibinigay at hindi kapalit ng payo o pagsusuri ng isang lisensiyadong mental-health professional. Kung ikaw o isang taong kakilala mo ay nasa agarang panganib, humingi agad ng tulong sa emergency services o sa isang kwalipikadong mental-health professional.
- Latest


















