2 Islamic preacher pinagbabaril ng tandem, 1 todas

COTABATO CITY, Philippines — Isang Ustadz, o Islamic preacher, ang agad na namatay habang malubha namang nasugatan ang kanyang kapwa missionary sanhi ng pamamaril ng riding-in-tandem sa Barangay Olandang sa bayan ng Nabalawag sa Bangsamoro Special Geographic Area (SGA) nitong Martes.
Sa ulat nitong Miyerkules ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), agad na binawian ng buhay sanhi ng mga tama ng bala si Ustadz Ebrahim Blah Madidis na kilalang aktibo sa mga Islamic preaching activities sa Nabalawag at mga karatig na bayan sa Bangsamoro SGA.
Sugatan naman sa insidente ang isa pang ustadz na si Salindab Madidis, kamag-anak ng napaslang na preacher.
Ayon kay Police Capt. Steffie Salanguit, spokesperson ng PRO-BAR, magkasamang nasa gilid ng highway sa Barangay Olandang ang dalawa nang may dumating na dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo, tumigil sa kanilang tapat, at agad silang pinagbabaril.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang dalawang salarin gamit ang kanilang motorsiklo at iniwang nakabulagta ang dalawang biktima.
- Latest















