Letran, Arellano basagan sa liderato
MANILA, Philippines — Pareho ang pakay ng Letran at Arellano University ngayong araw sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na lalaruin sa Playtime FilOil Centre.
Ito’y ang manatiling malinis ang karta at hawakan pa rin ang tuktok ng Group B.
Tiyak na isa sa Knights at Chiefs ang madudungisan sa pagharap nila ngayong alas-5 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng defending champion San Beda University at Mapua University sa alas-3 ng hapon.
Tangan ng Arellano at Letran ang tig-3-0 karta.
Galing sa impresibong panalo ang Arellano nang kaldagin nila ang Perpetual Help, 88-65 noong Biyernes kung saan ay sinandalan nila sa opensa sina King Vinoya at T-Mc Ongotan na tumikada ng tig-15 at 13 points, ayon sa pagkakasunod.
Kaya asahang sina Vinoya at Ongotan ang magiging pangunahing armas ng Chiefs para ikadena ang pang-apat na sunod na panalo.
Maganda rin ang inilaro ng Letran noong Setyembre 24 nang tuhugin nila ang Emilio Aguinaldo College, 91-80, si rookie Justin Cargo ang nanguna sa puntusan sa nirehistrong 22 markers.
Paniguradong si Cargo naman ang ipaparada ng Knights para ibangga sa mga pambato ng Chiefs.
Samantala, puntirya ng Red Lions na sagpangin ang three-game winning streak para sumampa sa top spot ng team standings sa Group A, kasalukuyang tangan nila ang 2-1 card.
“Wag lang kaming hihinto. We had to play until matapos tong game,” pahayag ni Sean Torculas nang kaldagin ng Red Lions at Heavy Bombers, 65-62 sa huli nilang laro. “I’m grateful. Just grateful for this win.”
Sina Sean Torculas at Andrei Ugaddan ang magiging panargo ng Red Lions para makuha ang panalo sa Cardinals.
Para sa Mapua, hindi pa sila nakakatikim ng panalo sa tatlong salang, kailangan magdoble kayod ang mga pambato nilang sina Ivan Lazarte at Ian Torres.
- Latest





















