Board Member at sekretarya, tiklo sa P260K transpo anomaly
MANILA, Philippines — Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) Provincial Board ng Aurora at Secretary sa isang entrapment operation nang ireklamo ng katiwalian sa transportation deal sa sa bayan ng Baler, Aurora.
Ang mga nasakote ay kinilalang sina Randy Ogian Salo, IPMR Provincial Board member at Secretary nitong si Ronalyn Esteban Pasagian; pawang residente ng Brgy. Ditale, Dipaculao, Aurora.
Sa report Baler Municipal Police Station (MPS), alas-10:16 ng umaga noong Biyernes nang isagawa ang entrapment operation laban kina Salo at Pasagian sa Honesto Restaurant na kilala rin bilang Ben’s Halo-halo sa kahabaan ng Quezon corner Carrasco St., Brgy. 1, Baler.
Ang mga suspect inireklamo ng irregularidad sa pagbabayad sa serbisyo sa transportasyon na ginamit noong 2025 Indigenous People’s Day.
Nabatid na sina Salo at Kalihim nito ay nagtungo sa nasabing establisyemento upang kunin ang umano’y hinuhulugang bayad sa transportation deal na may balanse pang P260,000.
Nang tinanggap ang nasabing halaga ay dito na sila inaresto ng mga pulis na nagpanggap na kustomer ng restaurant.
Sa impormasyon ay nasa 64 vans ang idineklarang transportation units ni Salo sa Provincial Capitol na pinamahalaan nito ang pagrenta pero lumilitaw sa imbestigasyon na nasa 11 lamang vans ang nirentahan nito sa kooperatiba.
Ang mga suspect na nahaharap sa Republic act No. 3019 o ang Anti Graft and Corrupt Practices Act.
- Latest




















