Alapag ready maging parte ng Gilas coach
MANILA, Philippines — Kung bibigyan ng pagkakataon, preparado si dating national team member Jimmy Alapag na maging parte ng coaching staff ng Gilas Pilipinas.
Alam naman ni Alapag na nasa kamay ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang pagdedesisyon.
“If ever the opportunity were to present itself, I’ll be ready,” ani Alapag.
Malalim na ang karanasan ni Alapag sa coaching.
Naging bahagi ito ng coaching staff ng Sacramento Kings sa NBA.
Sinimulan ito ni Alapag noong 2021 sa Summer League. Naging assistant coach ito ng G League team na Stockton Kings.
Naging NBA player development coach din ito noong 2023.
Matapos ang anim na taon sa NBA, bumalik sa bansa si Alapag kung saan naging head coach ito ng NLEX Road Warrios sa PBA.
Kaya naman malaki ang maitutulong ni Alapag sakaling pumasok ito sa programa ng Gilas.
Naging bahagi rin ito ng Gilas sa loob ng maraming taon kaya’t alam nito ang galawan sa mga international games gaya ng FIBA World Cup.
Saludo rin si Alapag sa laban ng Gilas sa Asian Games sa Nagoya, Japan.
Aminado si Alapag na hindi madali ang lumaban sa isang malaking torneo tulad ng Asian Games. At nakita nito ang paghihirap ng team para makuha ang panalo.
Ngunit hindi pumabor ang tadhana at tuluyang nasibak ang Gilas Pilipinas sa kontensiyon.
“I would have loved to see the team perform better, but it’s okay, we’ll be back,” ani Alapag.
May pagkakataon pa aniya para makabawi sa mga susunod na edisyon ng Asian Games.
“We weren’t even given an opportunity to get to the knockout stage, but this is also an opportunity for us to see how can we improve, how we can help the players so that this doesn’t happen again,” ani Alapag.
- Latest
















